Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P2M pabuya vs scammer ng anak ni Gaisano

0 55

Nag-alok ng P2 milyong pabuya ang pamilya Gaisano para matunton at maaresto ang pangunahing suspek sa P3.2 bilyong investment scam sa kanila.

Sa liham ng mga ito kay National Bureau of Investigation (NBI) director Eric Distor noong Setyembre 7, sinabi ni Valerie Gaisano-Sebastian, anak ng business tycoon na si Edmund Gaisano Sr., na may natanggap silang impormasyon na nagtatago sa Taiwan ang suspek na si Wong Chung Yin alyas ‘David Wong’.

Bagama’t may inilabas na aniyang red notice ang International Police (Interpol) laban kay Wong, naniniwala si Gaisano na maaari pa ring umaksyon ang NBI laban dito.

Ayon sa abogado ng mga Gaisano na si Atty. Jose Mariano Tan, pinamumunuan ni Wong ang listahan ng mga suspek na sinampahan ng kasong syndicated estafa matapos lokohin ng kompanya nitong DW Capital Inc. (DWCI) si Gaisano-Sebastian na mag-invest sa kanila ng P3.2 bilyon.

Kabilang din sa mga suspek sina Derwin Wong, Derick Wong, Diane Wong, Davidson Wong, Lucy Chua, Juvy Ting, Susan Lu, Beverly Ansay at Leonardo Marsan.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Gaisano-Sebastian na natuklasan niya ang mga nawawalang shares noong Hulyo 2017 at inilipat ang mga ito kay Wong at sa pamilya nito na pawang mga opisyal ng DWCI.

Naaresto si Derwin noong Abril 2019 samantalang nadakip naman si Davidson nitong Enero sa Madrid, Spain. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.