Abante Tonite Interactive

P2M pansuweldo tinangay sa pinatay na driver

By
235

Binaril at napatay ang isang truck driver ng tatlong ‘di pa nakikilalang mga holdaper tsaka tina­ngay ang umaabot sa ha­lagang P2,065,000 pampasuweldo na dala nito sa Brgy. Commonwealth, Quezon City ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ang napatay na biktima na si Roxan Evangelista Magno, 25-anyos, binata, truck driver, tubong Negros Oriental at taga-Noria St., Doña Nicasia Subd., Novaliches, QC.

Si Magno ay idinek­larang dead-on-arrival sa Fairview ­General Hospital sanhi ng tinamong bala sa leeg at dibdib.

Sa report ni P/Supt. Elmer Monzalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), alas-12:40 ng hapon (Pebrero 4) nang maganap ang insidente sa may Cely’s Junkshop sa 3rd St., corner Main St., ­Bitoon Circle, Brgy. Commonwealth, QC.

Sa imbestigasyon ni PO3 Anthony R. Tejere­ro, ng CIDU-QCPD, dumating sa junkshop galing sa Banko de Oro (BDO) sa Fairview ang driver kasama si Darwin Reyes Vianzon, 38-anyos, na magkaangkas sa itim na Suzuki Vitara (ZKN 631) at nag – withdraw umano ng P2, 065, 000.

Dahil sarado pa ang junkshop ay iimpormahan sana ng biktima at kasama nito ang anak ng kanilang amo na si Joel Aboboto na hawak na nila ang pera nang sumulpot ang tatlong lalaki na armado ng silencer gun at tinutukan ng baril si Vianzon na agad tumakbo at pinasa kay Magno ang bag pack na naglalaman ng pera.

Hindi inabutan ng suspek ang nakatakbong Vianzon subalit si Magno na pinasahan ng bag ang binaril ng mga suspek.
Nang duguang bumulagta si Magno ay mabilis na tumakas ang mga mga holdaper sakay ng motorsiklo na walang plaka.
Hinala ng mga awtoridad na ‘inside job’ ang krimen dahil alam na may perang dala ang biktima na umano’y pampasahod sa mga empleyado at pambayad sa mga kliyente.

Gayunman, patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.