Abante Tonite Interactive

P2M shabu nakuha sa naarestong akusado sa tangkang pagpatay

376

PART 4

Ito’y sa kabila ng puspusang anti-drug operation na isinasagawa rito ng iba’t ibang law enforcement agency ng pamahalaan, sa pangunguna ng lokal na kapulisan ng Lungsod ng Navotas subalit dahil sa lawak ng lugar, madaling nakapagtatago ang mga sangkot sa iligal na droga.

Hindi naman na­lingid sa kaalaman ng kanyang mga magulang at kapatid ang paggamit ng iligal na droga ni Jay-Ar subalit sa kabila ng paalala ng kanyang ama’t ina, patuloy na iginugumon ng binatilyo ang sarili sa bawal na gamot sa kabila ng murang edad.

Ang halos lahat ng kanyang kinikita sa pambabakaw ng mga isdang tumatalon sa banyera ay napupunta lang sa pagbili niya ng shabu sa Market 3 na kanyang ginagamit sa isa sa mga drug den sa naturang ding lugar, kasama ang kanyang mga kapwa kabataang mambabakaw.

Kabilang sa mga nakukuhanan o nabibilhan ng droga ni Jay-Ar ang 19-anyos na si John Rey Marasigan na residente ng 512 B. Cruz Street, Barangay Tangos North, Navotas City na batay sa intelligence report ng Navotas police station ay isa sa umano’y nagsu-supply ng shabu sa mga maliliit na drug pusher sa Market 3.

Dahil hindi naman halos nagkakalayo ang kanilang edad, na­ging malapit sa isa’t isa sina John Rey at Jay-Ar lalo na’t nauutusan ng una ang huli sa pagde-deliver ng shabu o bilang courier na ang kabayaran ay isang maliit na plastic sachet ng shabu na sakto lang na kanyang panggamit.

Kalaunan ay natuklasan na rin ni Jay-Ar ang tirahan ni John Rey sa B. Cruz Street Barangay Tangos North kaya’t kapag wala siyang kinita sa pambabakaw at kailangan niyang gumamit ng iligal na droga, nagtutungo na siya sa bahay ng kaibigan at nabibigyan naman siya bagama’t kailangan din niyang bayaran ito sa pamamagitan ng pagde-deliver ng shabu sa ibang parokyano.

Bunga ng napapadalas na pagtungo ni Jay-Ar sa baluwarte ni John Rey, nakilala niya ang babaing magpapatibok sa kanyang puso na naninirahan din sa naturang barangay.