Abante Tonite Interactive

P2M shabu nakuha sa naarestong akusado sa tangkang pagpatay

276

Sa panayam ng TUGIS sa ina ni Jay-Ar na si Aling Marissa, hindi na raw niya lubusang kinilatis o kinilala ang babaeng napusuan ng kanyang anak kaya’t nakilala lamang niya ang dalaga sa alyas na “Bibang” na mas matanda ng isang taon sa kanyang anak.

Hindi rin niya pinigilang makipag-relasyon ang menor-de-edad na anak na noon ay 15-anyos pa lamang sa pag-asang ang dalaga ang magsisilbing daan upang magbagong-buhay ang kanyang anak.

Maging ang ama ni Jay-Ar na si Mang Reynaldo ay hindi rin pinanghimasukan ang diskarte ng binatilyong anak kaya’t hindi na rin sila nabigla nang magsilang ng isang sanggol na lalaki si Bibang na pinangalanan nilang Nathan.

Inakala ng mag-asawa na aayusin na ni Jay-Ar ang kanyang buhay at magiging responsableng ama at asawa subalit nagkamali ng hinala ang mag-asawa dahil nagpatuloy pa rin si Jay-Ar sa pagkahumaling niya sa iligal na droga,
Hindi na rin makaiwas si Jay-Ar sa mga iniuutos sa kanya ni John Rey, hindi dahil sa kagustuhan niyang maka-libre sa paggamit ng droga, kundi dahil nakilala na niya ng lubusan ang huli na kabilang sa pamilya ng mga kilalang drug pusher sa buong Barangay Tangos.

Miyembro rin si John Rey ng kilabot na “Sputnik Gang” na lalo pang naghatid ng takot kay Jay-Ar, hindi lang sa kanyang sarili kundi sa kanyang anak at kinakasama na sa baluwarte ng pamilya Marasigan naninirahan.

Sa panayam ng TUGIS kay P/Lt. Charlie Bontigao, hepe ng Intelligence Unit ng Navotas police, kabilang aniya sa listahan ng mga nasa drug watch list, hindi lang ng barangay, kundi ng talaan ng pulisya si John Rey at iba pa niyang mga kaanak matapos mag-positibo ang ginawa nilang validation sa pamilya nito sa Barangay Tangos North.

Ayon pa kay Lt. Bontigao, matagal nang nakapiit sa Navotas City Jail ang ama ni John Rey matapos mahuli sa isang buy-bust operation kaya’t maituturing na negosyo na ng pamilya ang pagbebenta ng shabu.