Abante Tonite Interactive

P2M shabu nakuha sa naarestong akusado sa tangkang pagpatay

340

Bago nangyari ang tangkang pagpatay kay Reynaldo Abelarde, Jr., nakilala rin siya sa kanilang lugar sa Barangay San Jose, Navotas City bilang pasaway na binatilyo na posibleng bunsod na rin ng kawalan ng sapat na pinag-aralan.

Si Reynaldo na kilala sa palayaw na Jay-Ar ay pangalawa sa pitong magkakapatid na anak ng mag-asawang Reynaldo, Sr. 54 at Marissa, 45 at naninirahan sa isang maliit nilang bahay sa 57 Block 2, Bagong Silang Street, Barangay San Jose sa Navotas City.

Ang panganay na anak ng mag-asawang Reynaldo Sr. at Marissa na si Raymart, 23 ay nakatuntong din lang sa mababang paaralan at hindi na nakapagpatuloy ng pag-aaral nang mapasok bilang welder sa isang kompanya habang ang ikatlo sa magkakapatid na si Cathlyn ay nasawi sanhi ng malubhang maramdaman noong anim na taon pa lamang ang bata.

Babaeng muli ang pag-apat na anak ng mag-asawa na si Rizza Mae subalit 12-anyos pa lamang ang bata ay dinapuan din ng matinding karamdaman sa balat na hindi na rin naagapan hanggang sa mamatay.

Ang kanila namang anak na si Monica na nga­yon ay 13-taong gulang na at ang 12-anyos na si Ricardo ay kapuwa nasa Grade 7 at Grade 4, ayon sa pagkakasunod sa kanilang pinapasukang paaralan sa Navotas Central Elementary School sa Los Martires Street, Barangay San Jose.

Lalaki rin sana ang pinaka-bunso sa magkakapatid na si John Mark subalit noong huling bahagi ng taong 2017 ay nasawi rin sa edad na pitong taon ang bata matapos maratay sa banig ng karamdaman.

Kakapusan sa salapi bunga ng kahirapan ang naging dahilan ng pagkamatay ng tatlong anak ng mag-asawa bagama’t sa kabila nito ay nananatiling buo ang kanilnag pamilya.

Sa buong panahon ng pagpapalaki ng mag-asawang Reynaldo at Marissa sa kanilang mga anak, tanging ang pagtitinda lamang ng ginang ng mga meryendang kakanin at sa-malamig sa maliit na eskinita sa kanilang lugar ang kanilang pinagkukuhanan ng salapi para sa pang-araw-araw na gastusin.