Abante Tonite Interactive

P3.2M blokeng marijuana nasamsam sa Batasan Hills

By
0 147

Aabot sa P3.2 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa drug suspect na kanilang naaresto sa isang buy-bust operation sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni QCPD director, Police Chief Superintendent Joselito T. Esquivel Jr., ang naarestong suspek na si Jomel Bernas, 26-anyos, ng Brgy. Batasan Hills.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Batasan Police Station (PS-6), dakong alas-10:00 ng gabi nang magkasa sila ng buy-bust operation laban sa suspek sa Ilang-Ilang Extension, Area A, Brgy. Payatas.

Inamin naman ni Bernas ang iligal na aktibidad at itinuro na marami pa siyang suplay ng iligal na droga sa kanyang apartment sa Block 11, Lot 5, Lupang Biyaya Compound, sa Barangay Greater Fairview.

Nagtungo ang mga pulis sa lugar at dito na nila nakumpiska ang may 27 kilo ng bloke-bloke at nakapaketeng marijuana na may street value na P3.2 milyon, at nakasilid sa dalawang travelling bag.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/Director Guillermo Eleazar, malaki ang posibilidad na malawak ang operasyon ng suspek at bulto-bulto kung kumuha sa kanya ng kontrabando ang kanyang mga parokyano.

“Meron siya ditong mga aso na inaalagaan at kung meron mang naghalong amoy, hindi malalaman. Meron siyang mga parokyano na kumukuha rito na hindi naman tingi-tingi pero bultuhan,” ani Eleazar.

Inaalam pa ngayon ng pulisya kung saan ibinebenta ng suspek ang mga marijuana at kung sino-sino ang mga taong konektado sa kanya.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.