Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P3.4B gastos ng Pharmally walang resibo

0 154

Mula sa P7.2 bilyong idineklara ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa kanilang audited financial statement sa Bureau of Internal Revenue (BIR), P3.8 bilyon lamang ang may dokumento, ayon sa isang tax expert.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, sinabi ni Mon Abrea, isang certified public accountant, base sa income tax return ng Pharmally, nagdeklara lang ito ng P3.2 bilyon sa kanilang summary list of purchases at P600 milyon para naman sa summary list of importations.

Dahil dito, sinabi ni Abrea na may P3.4 bilyon na unsupported purchases.

“Ibig sabihin P3.4 billion ay hindi nakadeklara kay BIR pero dineklara nila sa kanilang audited [financial statement] bilang purchases,” sabi ni Abrea na isang dating BIR examiner.

“Kaya po siguro ang dapat po tanungin natin `yong gumawa ng FS [financial statement] saan `yan galing `yong P3.4 billion,” dagdag nito.

Sabi pa ni Abrea, posible rin umanong pineke ng Pharmally ang P3.4 bilyon.

“Normally po pagka talagang walang supporting documents, either nilagay lang po nila para mapababa ang buwis or hindi po talaga totoo ang purchases,” sabi ni Abrea.

Nilinaw naman ni Abrea na hindi niya inaatake ang Pharmally kundi nais lang niyang bigyang linaw ang maling pahayag ng kompanya kaugnay ng kanilang audited financial statement.

“Hindi po natin ginigisa ang Pharmally pero may malinaw po na material misstatements at dapat po linawin nila,” ani Abrea.

Paliwanag ni Abrea, P7.2 bilyon ang ini-report ng Pharmally na purchases o pinamili nito noong 2020 ngunit P3.2 bilyon lamang ang may resibo. Kasama pa sa mga resibo ang pagbili ng P6.8 milyong Porsche at P4.1 milyong Toyota, mga gastos na hindi puwedeng ibawas sa babayarang buwis dahil wala itong kinalaman sa pag-supply ng mga face shield, face mask, at iba pang medical supply. (Dindo Matining/Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.