Abante Tonite Interactive

P300M budget ng Nha sa 2019, sapat ba?

By
0 79

Ang pagkakaroon ng sariling TAHANAN ang isa sa mga pangarap at pangunahing panga­ngailangan nating mga Pinoy.

Pero, hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyang-pansin ng gobyerno ang luma­lalang problema sa pabahay. Anyare po ba?

Pangarap ko po na matupad ang mga pangarap ninyo. Kaya naman bilang chairman ng committee on housing and urban development sa Kongreso, pursigido po ang inyong-lingkod na maitulak ang mga usaping pabahay sa Kamara.

Pero paano naman po uusad ang programang pabahay ng gobyerno kung ang isa sa mga inaasahan nating ahensya na magiging katuwang natin para maisakatuparan ang ating layunin ay iika-ika?

Hindi man tuwirang nilumpo, eh hindi naman tuluyang makakilos dahil sa liit ng itinalagang budget para sa susunod na taon. Ano ba ang aasahan natin sa P300 milyong budget? Ilang bahay ba ang kaya nitong itayo?

Ano ang inaasahan nating magiging serbisyo ng NHA sa ganitong kapiranggot na pondo?

Kabilang po sa mga pagsubok na kinakaharap ng gobyerno ang pagdami ng pamilyang Pilipino na walang sariling tirahan.

Sa madaling salita, ang hamon po ay nasa laki ng demand kaysa sa supply na kaya lang ibigay.

Mas marami ang nangangailangan ng pabahay kaysa kayang tugunan ng pamahalaan. ‘Yan po ang masakit na katotohanan.

Nangako ang NHA na sa kabila ng mababa nilang budget, patu­loy daw nilang tutugunan ang kanilang mandato na nakasaad sa Presidential Decree 757 at RA 7279.

Sabi ng NHA, sisikapin nilang iprayoridad ang mga informal settler o mga pamil­yang umokupa sa mga lugar kung saan wala silang katibayan ng pagmamay-ari na karaniwang matatagpuan sa mga delikadong lugar tulad ng mga estero, sapa o ilog.

Impossible dream? Mayroon kayang himalang magaganap? Paano po kaya ito maisasakatuparan? Sa tinatayang 1.5 mil­yong informal settler sa buong bansa, mahigit 600,000 sa mga ito ang nakakalat sa Metro Manila. Makakaya kaya itong tugunan ng NHA?

Bukod pa ito sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad tulad ng sunog.

Bukod sa mga guro, may nakalaan din para sa mga sundalo na kabilang sa tatlong pinakamababang ranggo. Kasama rin sa makatatanggap ang pamilya ng mga sundalong nasugatan o nasawi habang nakikipagbakbakan.

Sa P300 milyong budget, maisasakatuparan po ba ang mga balakin na ito? Malapit na po ang Pasko. Subukan po kaya na­ting hingin na regalo ito kay Santa Claus?

Ang tanong, kayanin din kaya ng power­s ni Santa ang ganitong kalaking problema?