Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P30B kita ng gobyerno `nasunog’ sa yosi smuggling

0 218

Umaabot sa P30 bilyon ang nawawalang kita sa gobyerno kada taon dahil sa smuggling ng sigarilyo at iba pang produktong tabako.

Kaya pinakikilos ni Albay Rep. Joey Salceda, chairperson ng House committee on ways and means, ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para mahuli ang mga smuggler.

Sa pagdinig ng komite nitong Lunes, sinabi ni Salceda na mistulang tinulungan pa ng BIR ang mga smuggler ng ipatupad nito ang Revenue Regulation 9-2015 kaya dapat nila itong baguhin.

Sa ilalim ng naturang regulasyon, hindi kailangang lagyan ng tax stamp ang mga sigarilyo na ginagawa sa bansa kung ito ay pang-export. Kailangan na lamang lagyan ng unique identification code (UIC) ang mga produktong ito.

SM food to go Banner Ad

Ayon kay Salceda, madaling makalulusot ang mga gumagawa ng sigarilyo dahil ang kailangan lamang ay ideklara na sa ibang bansa ito ibebenta kahit na sa aktuwal sa mga tindahan sa Pilipinas ito ibabagsak.

Nangako naman si BIR Commissioner Caesar Dulay na babaguhin ang polisiya.

Sinabi rin ni Salceda na ginagamit ng mga manufacturer ng sigarilyo ang mga ecozone dahil sa maluwag ang pagpapatupad ng batas doon at mas maliit ang kanilang binabayarang buwis.

Gagawa umano ang komite ng panukala upang matakpan ang butas na ito at gagawin ng economic sabotage ang large-scale tax evasion.(Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.