Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P33 dagdag sahod sa NCR barya lang

0 43

Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot sa inaprubahang P33 dagdag sa sahod ng mga arawang mangagawa sa National Capital Region (NCR) at P55 naman sa Western Visayas.

Nag-anunsiyo na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga inaprubahang adjustment sa minimum wage ng mga mangagawa sa pribadong sektor matapos ang ilang buwang pag-aaral ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) at ito na nga ang resulta, P33 at P55.

Para sa iba, ang sasabihin ay “mabuti na yan kaysa wala”, oo nga naman, kahit papaano ay nadagdagan pero napakaliit nito kumpara sa matataas na presyo ng mga bilihin at pangunahing pangangailangan.

Malayong-malayo ito sa hiniling ng ilang labor groups na P470 increase para sa mga arawang mangagawa sa NCR.

Matagal na pag-aaral at konsultasyon sa mga stakeholders, lalo na sa mga employer na tutol sa wage increase dahil hindi pa umano nakakabangon sa pagkalugi sa panahon ng COVID pandemic, pero parang kulang at tila limos lang ang bagong inaprubahang dagdag-sahod.

Matagal ng nagtitiis ang mga mangagawa at pilit na pinagkakasya ang P537 minimum wage lalo na noong panahon ng pandemya at ngayong nadagdagan ito ng P33 ay siguro sapat lang ito para makabili ng dagdag na kilo ng bigas at asukal sa kanilang budget.

Huling nakatikim ng umento sa sahod ang mga obrero sa NCR noong November 22, 2018 at pagkatapos ng apat na taon ay ngayon pa lamang ulit muling madadagdagan ang kanilang takehome pay.

Iba ang rate ng mga manggagawang nagtatrabaho sa probinsiya kaya mula sa dating minimum rate ay magiging P450 na ito para sa non-agriculture workers habang P420 naman sa mga kumpanya na mayroon lamang sampu pababa ang empleyado.

Mapalad ang mga kasambahay mula sa Western Visayas dahil madadagdagan sila ng P500 kada buwan mula sa P4,000 na buwanang sahod ng mga ito.

Pero ang malaking katanungan sa labor sector: sapat ba ang umentong ito sa sahod ng lahat ng mga mangagawang makakatanggap ng kanilang take home pay sa susunod na payday?

Mahirap magbudget lalo na kung mayroong pamilya ang isang mangaggawa dahil talagang kailangang gawin ang lahat ng paraan para makapagtipid at mapagkasya ang kita sa minimum na sahod.

Pero kahit napakagaling mong mag-budget kung nagtataasan naman ang mga bilihin ay talagang manlulumo na lamang at magtitiis o kaya gumawa ng paraan para magkaroon ng dagdag na kita.

Ganyan ang mga Pinoy, may reklamo pero mas may pasensiya at gagawin ang lahat ng pagtitiis maitawid lamang ang pang-araw araw na buhay para sa kanilang pamilya.

At kung mayroon mang kakarampot na dagdag sa sahod, tatanggapin pa rin ito at sasabihing mas mabuti na ito kaysa wala.

Leave A Reply

Your email address will not be published.