Abante Tonite Interactive

P38 kada kilo ng bigas ng DA, tapat na

By ,
1,358

Hindi na mapapababa pa sa P38 ang presyo ng bigas na binebenta ng Department of Agriculture sa mga rolling stores nito.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol ang kanilang binebentang commercial rice ay P5 na mababa kumpara sa binebenta sa merkado at hindi naman na kaya pa itong ibaba pa o ihabol ang presyo gaya ng sa NFA rice dahil malaki na ang malulugi sa mga magsasaka.

“Ito kasi ay direktang binibili sa mga magsasaka kaya mas mura sa nabibili sa commercial rice sa merkado, walang subsidy dito ang pamahalaan” pahayag ni Piñol
Kahapon ay binuksan ng DA ang rolling tindahan nito sa Barangay Payatas, Quezon City bilang bahagi ng kanilang proyektong Bigas ng Masa, ang unang tindahan ay matatandaang binuksan noong nakaraang buwan sa mismong tanggapan ng DA sa Quezon City.

Tiniyak ni Piñol na susunod nang bubuksan ang rolling tindahan sa iba pang lugar sa bansa bilang pantulong sa publiko na nahihirapang bumili ng commercial rice dahil sa mahal ito.

Ani Piñol, patuloy nila itong gagawin hanggang sa walang stable na supply ang NFA rice na siyang kailangan ng publiko.

Para maiwasan ang hoarding, kalahating kaban lang ang pinakamaraming puwedeng mabili ng isang konsumer.

Bukod sa bigas, ibi­nebenta rin sa rolling tindahan ang mga gulay galing sa Cordillera at delatang chicken rice mix mula naman sa Davao.

Binanggit pa ng kalihim na limang toneladang bigas ang ibebenta sa Payatas sa halagang P38 per kilo na nakabalot sa tig-iisa at limang kilo.