Abante Tonite Interactive

P391M bayad-utang ng Makati sa Land Bank, aprub sa COA

By
360

Nilinaw ng Makati City government na ang binayaran nila sa Land Bank of the Philippines noong 2017 para sa mga kinuhang loan ng nagdaang administrasyon mula 2012 hanggang 2016, ay hindi kinukuwestiyon ng Commission on Audit (COA).

Nanindigan si Makati City Administrator Claro F. Certeza na sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Abby Binay, ang Makati ay nakatanggap ng kauna-unahang ‘unqualified audit opinion’ (unmodified) noong 2017 dahil na rin sa ‘accuracy, completeness and fairness’ ng financial statements.

“COA’s audit findings were limi­ted to recommendations as to where the loan payments should be recorded. Should the payments to Land Bank be charged to the Deve­lopment Fund or the General Fund? The Makati City government squarely addressed those concerns,” ayon kay Certeza.

“There was no question of impropriety or irregularity as in fact the city government was given a clean bill by the COA,” diin pa niya.

Ginawa ni Certeza ang paglilinaw matapos lumabas ang report na kinuwestiyon umano ng COA ang paggamit ng city government ng P391.49 milyon mula sa Deve­lopment Fund upang mabayaran ang loan sa Land Bank. Ang inutang na pera ay ginamit sa pagpapagawa ng Makati Science High School Building, University of Makati at ang kontrobersiyal na Makati Par­king Building 2.

Binanggit pa ni Certeza na ang lahat ng proyektong nabanggit ay ginawa ng nagdaang administrasyon, mula sa bidding stage hanggang sa implementasyon at actual payments noong 2012 hanggang 2016. Ang nagdaang administrasyon din umano ang nagdesisyon na pondohan ang proyekto sa ilalim ng Land Bank loan.

Ipinagmalaki naman ni Certeza na ang nakolektang buwis ng Makati noong 2017 ay pumalo sa P15.91 bilyon, mas mataas kumpara noong 2016.