Abante Tonite Interactive

P3M shabu nasabat sa Davao checkpoint

104

Mahigit P3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa walong katao na kanilang sinita sa isang checkpoint sa Calinan, Davao City Sabado ng gabi.

Batay sa ulat ng Davao City Police Office nitong Linggo, may 179 gramo ng shabu ang nasamsam mula sa mga suspek na papasok sana sa kanilang lungsod.

Kinilala ang mga suspek na sina Abolker Cabugatan, Oden Busran, Jerry Ali, Lando Ali, Norlayla Dipatuan, Eddie Acop, Mohammad Gubat, at Rosalyn Abdulgan.

Nabatid na pawang galing sa Lanao del Sur ang mga inarestong suspek.
Sakay ng Toyota Innova ang mga suspek nang parahin sila ng mga nagbabantay sa joint checkpoint ng Calinan Police at Task Force Davao.

Pinadaan sa X-ray scanner ang kanilang mga bagahe at doon nadiskubre ang mga dala nilang droga.

Nasa kustodiya na ngayon ng Calinan Police ang mga suspek para sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila. (PNA)