Abante Tonite Interactive

P4.2T 2020 budget kapos ng 700B

404

Mas malaki ng 12% ang panukalang budget ng administrasyong Duterte para sa 2020 na aabot na sa P4.2 trilyon.

Ito ay ayon sa joint statement ng Development Budget and Coordinating Council (DBCC) na binubuo ng Department of Budget and Management, Department of Finance, National Economic and Development Authority, at ng Office of the President.

Nagpulong ang DBCC kahapon upang pag-usapan ang budget na ipapaapruba ng administrasyong Duterte sa Congress na kadalasan ay isinusumite kasabay ng State of the Nation Address (SONA).

Ayon sa DBCC statement, kakapusin ang panggastos ng pamahalaan ng P670 bilyon sa 2020 ayon sa budget proposal nito dahil P3.54 trilyon lang ang inaasahan nitong kita mula sa buwis at fees and charges na sinisingil ng pamahalaan. Ang government revenue projection na P3.54 trilyon para sa 2020 ay mas mababa kaysa sa naunang inasahan na P3.57 trilyon.

Sabi ng DBCC, mas mabagal ang magiging paglago ng mga export at import ngayong taon dahil sa inaasahang mas mabagal na paglago ng global economy.

Sa pananaw ng DBCC, 2% na lamang ang magiging exports growth ngayong taon at 7% lamang ang imports growth. Umaasa naman itong babalik sa 6% ang paglago ng exports sa 2020 at sa 8% ang paglago ng imports sa 2020.

Inirepaso ng DBCC ang tinatawag nitong mga macroecono­mic assumptions tulad ng inflation rate, exchange rate, pati na imports and exports growth dahil sa mga pangyayari sa loob at labas ng bansa. (Eileen Mencias)