Abante Tonite Interactive

P4.3T ng Build, Build, Build ilipat sa DSWD cash aid

1,040

Nanawagan ang InfraWatch PH sa administrasyong Duterte na ilipat ang pondo na nakalaan sa Build Build Build project na nagkakahalaga ng P4.3 Trilyon sa social amelioration program para mabigyan ng ayuda ang mga naapektuhan ng COVID-19 sa bansa.

Ang InfraWatch PH ay isang think tank na nakatuon sa mga infrastructure projects ng gobyerno.

Sabi ni Infra Watch Ph convenor Terry Ridon, kailangan ng “Live, live, live (buhay, buhay, buhay) na programa sa halip na Build Build Build sa panahong ito.

Sabi niya, walang silbi ang mga bagong airport at tren na gagawin kung patay na at nangamatay na ang mga tao sa gutom sa susunod na mga buwan.

Aniya, magagagamit ang special powers na hiningi ni Pangulong Duterte para ilipat ang pondo ng build build build dahil mas kailangan ngayon ang mga health facility at medical equipment.

Sabi ni Ridon, ang mga bagong proyekto sa Build Build Build ay inaprubahan lamang noong November 2019, bago pa pumutok ang COVID-19 sa mundo.

Sa kwenta ni Ridon, may P2.37 Trilyong infrastructure loan ang maaaring irenegotiate sa mga funding agency para mailipat ito sa social protection programs na mas kinakailangan ng bansa.

“The pending infrastructure loans are of no use to us today. What we need are additional funding from all sources to tide the country over during the crisis,” sabi ni Ridon.

Nakalulungkot man aniya na itigil ang BBB, krisis ang hinaharap ng bansa at walang nakaaalam kung marami ang mamatay dito at ang magiging pinsala nito sa ekonomiya. (Eileen Mencias)

Tonite – Wendys Inhouse Ad