Abante Tonite Interactive

P4.4B Marawi fund natengga

0 93

Pinaalalahanan ng Department of Budget and Management na mayroon na lamang hanggang Dis­yembre ngayong taon ang interagency Task Force Bangon Marawi para gugulin ang P4.4 bilyong pondo na inilaan para muling ibangon ang nawasak na Marawi City.

“The Task Force has to act to access the funds already earmarked for Marawi rehabilitation and reconstruction projects,” ayon kay Acting Budget Secretary Wendel Avisado.

Nabatid sa ginanap na pagpupulong ng House subcommittee on Marawi rehabilitation noong Martes na ang P4.4 bilyon ay bahagi ng P10 bilyon nakaalokasyon noong 2018 national budget para sa Marawi City rehabilitation at mag-e-expire na sa pagtatapos ng taon.

Nanatiling hindi pa umano naipapalabas ang nabanggit na pondo sa kabila ng dalawang taon nitong validity.

Nalaman na P5.5 bilyon sa special allotment release orders (Saros) ang naipalabas ng DBM hanggang nitong katapusan ng Oktubre.

Base sa data ng DBM website, lumalabas na noong katapusan ng Setyembre tanging P554.5 milyon ng P5.1 bilyon ang napasama sa 2018 National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) para sa Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP) ang naipalabas.

Ang pondo ay napunta sa P67.1 milyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng Department of National Defense (DND); P2.3 mil­yon sa National Youth Commission (NYC); P213.4 milyon sa National Electrification Administration (NEA); P244.9 milyon sa Department of Health (DOH); at P26.9 milyon sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Samantala, para sa mga residente ng Marawi, bigo umano ang gobyerno na matulungan at maibalik ang dati nilang pamumuhay na nawasak 2-taon matapos ang giyera sa kanilang lugar.

“Without discrediting the effort of the government… we are seeing a failure, insufficiency and slow implementation of specific programs projects and activities,” ayon kay Khalid Ansano, isang resi­dente at miyembro ng Marawi development assistance team.

Ayon kay Ansano, isa sa inaasam ng mga residente na makabalik na sa kanilang mga lugar upang makapamuhay muli ng normal.

“How can we have this immediate and dignified return if there are insufficiency, failure and slow implementation of projects?” sabi pa nito. (Juliet de Loza-Cudia)