Abante Tonite Interactive

P4.5M ng negosyante sinimot ng Dugo-Dugo Gang

By
894

Umaabot sa P4.5 milyong halaga ng pera at mga mamahaling alahas ang natangay sa isang negosyanteng babae sa Quezon City matapos umanong mabiktima ng Dugo-Dugo Gang ang kasambahay nito.

Batay sa pahayag ng 33-anyos na si Margarette Jeanne Tio, 33, residente ng Unit F. No. 10 13th St., Brgy. Damayan Lagi, New Manila, Quezon City, ang insidente ay naganap sa pagitan ng alas-11:00 ng umaga hanggang alas-dos ng hapon noong Sabado.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereneo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), isang babae ang tumawag umano sa telepono sa kasambahay ng biktima na si Arsel Martinez.

Sinabi umano ng babae na naaksidente ang amo ni Martinez at inutusan ito na wasakin ang cabinet na pinaglalagyan ng pera at mga alahas ni Tio.

Hindi naman umano nagtanong ang kasambahay at agad na sinira ang kabinet ng kanyang amo, isinilid sa isang bag ang pera at mga alahas saka nagtungo sa SM sa Caloocan City.

Sinalubong siya doon ng dalawang babae at agad na kinuha ang dalang bag saka inutusan nang umuwi.

Nabatid kay Tio na limang buwan pa lamang sa kanya nagtatrabaho si Martinez.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya si Martinez kung kasabwat ito ng Dugo-Dugo Gang. Aalamin din umano ng pulisya sa closed-circuit television ng SM kung nakuhanan ang dalawang babaeng suspek para makilala ang mga ito.