Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P400M `white sand’ sa Manila Bay itigil – Senado

0 80

Iginiit ng mga senador na kanselahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang halos P400 milyong halaga ng tinatambak nitong artipisyal na `white sand’ sa Manila Bay dahil na rin sa banta sa kalusugan ng tao at sa kalikasan.

“`Yong paglalagay ng dolomite as a substitute for white sand only means na hindi dumaan sa tamang proseso at pag-aaral ang plano sa Manila Bay rehabilitation,” pahayag ni Binay.

“Walang public consultation, walang environmental clearance, hilaw ang EIA/EIS, at malinaw na bara-bara at ‘di comprehensive ang plano,” dagdag pa nito.

Ayon kay Binay, dapat nagkaroon umano ng feasibility study sa naturang proyekto bago ito sinimulan para malaman kung delikado o hindi sa kalusugan ng taon ang dolomite sand.

“Mapa-government o DENR project man ‘yan, dapat may feasibility studies at science-based ang laman ng plano. Kung DENR project, ‘di sila exempted – the more na required ang environmental clearance at scientific studies. Kapag bara-bara, sayang ang science talaga,” diin ni Binay.

Nauna nang sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang dolomite dust ay naglalamaman ng calcium magnesium carbonate na maaaring makairita sa mata at sa gastrointestinal system ng isang tao.

Ayon pa kay Binay, kung may malasakit ang DENR sa kalusugan ng tao, dapat agad nilang itigil ang pagtambak ng dolomite sa dalampasigan ng Manila Bay dahil lalo itong makakadagdag ng polusyon sa karagatan.

“In the right order of things, bago sana ang mga palamuti, dapat unahin muna ng DENR ang pagsasaayos ng water quality ng Manila Bay. Nakakalungkot lang, kaysa sa i-prioritize ayusin ang mga banyo sa Baseco, mas inuna pang pondohan ang puting buhangin galing Cebu,” sabi pa ni Binay.

Iginiit naman ni Senador Francis Pangilinan na dapat bigyan ng prayoridad ng gobyerno ang pagtugon sa kagutuman at kawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic sa halip na magtambak ng nakalalasong `white sand’ sa dalampasigan ng Manila Bay.

“Hindi katanggap-tanggap na habang nagugutom ang mga kababayan natin, walang hanapbuhay ang mga magulang, at walang kagamitan ang mga anak para sa online classes, ay nagtatapon lang tayo ng pera sa mga proyektong maaaring makasira pa sa kalikasan at sa ating kalusugan,” sabi ni Pangilinan.

“Pera na, naging buhangin pa,” dagdag pa nito.

Naglista pa ang senador ng mga maaaring maitulong ng gobyerno sa tao mula sa P397 milyong pondong ginugol para sa pagtatambak ng dolomite, isang artificial white sand, sa Manila Bay.

Sa nasabing halaga aniya, maaari nang makabili ng 189,000 sako ng bigas, wi-fi para sa 55,000 estudyante, 26,000 laptop para sa mga guro at estudyante, 130 milyong face mask, 300,0000 test kit at P66,000 na dagdag na suweldo ng 6,000 nurse at medical technician para sa isang taon.(Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.