Abante Tonite Interactive

P42M pondo ng AFP naglaho, mga opisyal pinakakasuhan ng COA

610

Tinatayang P42 milyong pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naglaho matapos ipasok sa isang pribadong kompanya na nagsara.

Ito ang natuklasan ng Commission on Audit (COA) matapos silipin ang pinagkagastusan ng pondo ng AFP para sa taong 2017.

Ang P42 milyong pondo ay ini­lagak umano sa Aviation Cooperative for Enhanced Services (ACES), isang pribadong kompanya na nagsara noong Oktubre 2016.

Ayon sa COA, sablay sa Section 5 ng Republic Act No. 10924 ang pag-i-invest ng scholarship fund sa natu­rang kompanya.

“The collectability of scholarship fund amounting to P42,100,000.00 invested in Aviation Cooperative for Enhanced Services (ACES), a private financial institution/cooperative which ceased to operate in October 2016 is remote,” ayon sa report.

Inirekomenda rin ng COA na sampahan ng kaukulang kaso ang Board of Trustees dahil sa kuwestiyonableng investment.

“We recommend and Management agreed to determine the liability of those members of the Board of Trustees who approved the resolution on the investment to ACES and file appropriate case against them,” giit ng COA.

Hinikayat din ng COA ang AFP na gawin ang lahat ng hakbang para mabawi ang kapital, gayundin ang kaukulang interes sa inilagak na investment sa nagsarang kompanya.