Abante Tonite Interactive

P4M reward kay Dennis Sytin wala pang kumakagat Utol ng pinatay na bilyonaryo hinahanting

514

Hiningi na ng Philippine National Police (PNP) ang tulong ng publiko para sa mabilisang pagdakip kay Alan Dennis Sytin na pangunahing suspek sa pagpatay sa kanyang nakababatang kapatid at negosyanteng si Dominic Sytin.

Sa pamamagitan ng Facebook page ay inilabas na kahapon ang litrato ni Alan Dennis Sytin na siyang mastermind sa pagpatay sa kanyang nakababatang kapatid na isinagawa noong Nobyembre 28 ng nakaraang taon sa isang hotel sa Subic Bay Freeport.

Nasa P4 milyon ang pabuya sa makakapagbigay ng impormasyon sa ikakaaresto ni Alan Dennis Sytin na wala pa ring kumakagat.

Kasama ding pinaghahanap si Oliver Fuentes na isa sa suspek na pumatay kay Dominic.

Naglabas nang warrant of arrest at hold departure order (HDO) ang korte sa dalawang suspek kung saan may pabuyang dalawang milyon sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Fuentes.

Ayon sa Olongapo police ang mga lehitimong impormasyon kung saan nagtatago ang mga suspek ay maaring itawag sa mga cellphone numbers na 0995-925-3381 o 0908-366-2321.

Matatandaang si Dominic Sytin, presidente ng United Auctioneer Inc., ay pinaslang ng nag-iisang gunman sa Lighthouse hotel sa Subic Freeport noong Nobyembre 28, 2018 na ikinasawi nito at ikinasugat ng bodyguard nitong si Efren Esprtero.

Makalipas ang ilang buwan ay nadakip ang gunman nito na nakilalang si Edgardo Luib at isinangkot nito sina Fuentes na drayber ng motorsiklong ginawang get away vehicle at Alan Dennis na siyang mastermind ng pagpatay. (Edwin Balasa)