Abante Tonite Interactive

P5.4M shabu galing Africa nasabat sa NAIA

By
579

Nabigong mapalusot ng hinihinalang West African Syndicate ang umaabot sa P5.4 mil­yong halaga ng shabu makaraang maharang ito ng pinagsanib na grupo ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Sabado ng hapon.

Ayon sa ulat, noong Biyernes dumating sa Pilipinas ang package na idineklarang “art table” na galing sa Congo, isang bansa sa Central Africa, pero hinarang ito ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Airport Police makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa US Food and Drug Administration na nag­lalaman ito ng iligal na droga.

Siniyasat ng mga awtoridad ang package at natuklasan ang may 800 gramo ng shabu sa loob nito.

Dahil dito ay nagsagawa ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ng “controlled delivery” sa address kung saan dapat ipapadala ang package.

Dakong alas-kuwatro ng hapon ng Sabado ay sumama ang mga ope­ratiba sa delivery ng FedEx sa Dasmariñas City, Cavite kung saan naka-address ang package at habang tinatanggap ng magka-live-in na sina Mariel Joy Bido at Cyril Cabiga ang package ay agad silang pinosasan ng mga awtoridad.

Sinabi naman ng mga suspek na hindi nila alam na iligal na droga ang laman ng package pero inamin na isang dayuhan umano ang nagbabayad sa kanila para tanggapin ang nasabing padala.

Pero ayaw pangalanan ng mga suspek kung sino ang sinasabi nilang dayuhan.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban kina Bido at Cabiga dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Hinala ng mga awtoridad na miyebro ng West African Syndicate ang mga suspek.