Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P50 sa 42K

0 202

Dekada 80 hanggang 90 nang makailang takbo’t tapos ako ng Philippine Airlines-Manila International Marathon (PAL-MIM) paalis at pabalik sa Luneta Park, Maynila.

Hindi ko makakaligtaan na anim na buwan bago mag-PAL-MIM, nagpaparehistro na ako sa opisina ng PAL noon sa Legaspi Village, Makati.

Hindi pa binebebenta kay Luico Tan ni Pangulong Fidel V. Ramos ang kompanya noon.

Sa halagang P50 pagka-registered ko, ibibigay na sa akin ang training t-shirt na nakatatak na ‘Ako’y naghahanda para sa PAL-MIM’.

Isa-dalawang buwan bago tumakbo ang 42.195-kilometrong kaganapan, makukuha ko na ang running singlet o sandong gagamitin sa karera.

Isa o dalawang araw bago ang harurutan sa mga lansangan, may carbo loading party sa Maynila Restaurant ng Manila Hotel na wantusawa ang tsibugan.

Sa araw naman ng takbuhan pagkatawid ko ng finish line sa umaga, may finisher t-shirt at almusal.

At sa parehas na araw (race day) kinahabunan naman, may formal awarding ceremony sa Maynila Restaurant na naman at open bar.

Iyan ang nagagawa dati ng P50 registration fee sa PAL-MIM, na ang huling edisyon ay noong 1997.

Hanggang sa susunod na Miyerkoles mga ka-Abante TONITE. Kung may reaksiyon o katanungan po kayo, email lang po ninyo ako sa ramilcruz2003@yahoo.com, ramilcruz2003@gmail.com.

Leave A Reply

Your email address will not be published.