Abante Tonite Interactive

P500 allowance ng mga volunteer dadagdagan

525

Ipinahayag ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na dadagdagan g gobyerno ang P500 na allowance kada araw para sa mga volunteer health care worker na tutulong sa pagsawata sa coronavirus disease 2019 sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ito ang tiniyak ni Nograles matapos punahin ng ilang mambabatas ang tila kakarampot na ibabayad sa mga volunteer health care worker sa harap ng panganib na susuungin ng mga ito sa COVID-19.

Mismong sina Senador Bong Go at Cong. Eric Yap ang nagsabing masyadong maliit ang P500 kada araw para sa mga volunteer health care worker kung ang pagbabasehan ay ang panganib na maaari nilang kaharapin dahil sa bagsik ng COVID-19.

Sinabi ni Nograles na naiintindihan nila ang sitwasyon at ang lohika nina Senador Go kaya gagawa ang gobyerno ng panibagong guidelines para dito.

Tatalakayin aniya nila ito sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para madagdagan.”

“Naiintindihan po natin ang sitwasyon sa ngayon kaya kailangan gumawa ng panibagong guidelines para dito. Dadagdagan po natin `yan,” ani Nograles.

Binigyang-katwiran ng kalihim na ang P500 ay batay sa dating guidelines ng DOH na ibinibigay sa mga volunteer health care worker kapag nagkakaroon ng pandemic at ito ay kanilang tatalakayin para madagdagan. (Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad