Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P500M shabu pinuslit sa mga Chinese tea bag

0 214

Umabot sa P534 milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska mula sa dalawang suspek matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Mandaluyong City nitong Lunes, ayon sa ulat ng opisyal ng ahensya kahapon.

Ayon kay PDEA spokesperson Derrick Carreon, naaresto sa isinagawang buy-bust ang mga suspek na sina Mike Abac, 32-anyos, at Edison De Guzman, 37, kapwa residente ng Guadalupe Nuevo sa Makati City.

Nabatid na dakong alas-6:00 ng gabi noong Disyembre 27, Lunes nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng PDEA laban sa mga suspek.

Nakuha mula umano sa nasabing operasyon ang nasa 77.5 kilo ng pinaniniwalaang shabu na nakabalot sa Chinese tea bag at aabot sa halagang P534.75 milyon.

Dinala ang nakumpiskang ilegal na droga sa PDEA laboratory habang ang mga suspek ay nakakulong sa detention cell ng ahensiya at sasampahan na ng kaukulang kaso. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.