Abante Tonite Interactive

P50M ‘kaldero’ pork ipamumudmod bawat Cong

0 235

Matapos mabuking ang bukulan sa extra P50 million pork barrel fund ng bawat kongresista, napilitan si House Speaker Alan Peter Cayetano na ipamudmod ito sa mga miyembro ng Kamara.

Nabatid ng source ng Tonite na ­ipinagbigay alam na sa mga ­miyembro ng Kamara ang makukuhang P50 milyon ng bawat kongresista.
Ilang kongresista ang natuwa sa desisyon, bagamat hindi pa nila personal na nakakausap si Cayetano.

“Hihirit ako na ­gawing P150 million,” sambit ng kongresistang tumangging magpabanggit ng pangalan.

Ang P50 milyong pork ay huhugutin sa P50 bil­yong “leadership budget” ng Kamara. May kahintulad na budget din ang Senado sa halagang P20 bilyon.

Noong panahon ni da­ting House Speaker ­Gloria ­Macapagal-Arroyo, lahat ng mambabatas ay binigyan ng karagdagang pork barrel fund sa ilalim ng leadership budget.

Sa naunang report, ang naambunan lang umano ay ang 22 deputy ni Cayetano na magkakaroon ng tig-P150 milyon.

Hindi pa mabatid kung maaambunan rin ang mga miyembro ng oposisyon sa Kamara.

Mayroon nang P100 million pork ang bawat kongresista kaya’t magi­ging bonus sa kanila ang karagdagang P50 milyon.

Nauna nang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na may nakalaan na tig-P100 million pork ang bawat kongresista sa ilalim ng panukalang P4.1 trilyong budget para sa 2020.

Ang P50 milyong ­extra pork sa bawat ­kongresista ay kasinglaki ng P55 milyong stadium cauldron o kaldero sa New Clark City.