Abante Tonite Interactive

P6.6B condo-hotel project ni Villar sa Boracay, pinatigil ng DENR

By
5,180

Iniutos ni Environment Secretary Roy Cimatu na itigil ang lahat ng kontruksyon sa Boracay sa loob ng susunod na anim na buwan, kabilang na dito ang ipinapagawang residential condominium ng Vista Land & Lifescapes, Inc.

Ang kautusan ni Cimatu ay kasunod ng viral video na nagpapakita ng konstruksyon ng isang condominium sa Bara­ngay Yapak na pagmamay-ari ng pamilya ni Senador Cynthia Villar.

Sa nasabing viral vi­deo, pinatag umano ang bundok sa isla para maitayo ang ipapagawang residential condominium gayung isinasailalim sa rehabilitasyon ang Boracay.

Abante Hiring – IT dep

Ayon kay Cimatu, sa kanilang beripikasyon ay lumilitaw na ang viral video ng Costa Vista Boracay ay kuha noong nakaraang buwan pa gayunpaman iniuutos nito ang pagpapatigil sa lahat ng kontruksyon upang maging malinaw at maalis ang agam-agam na ang rehabilitasyon na ginagawa sa Boracay ay upang ilihim ang kontruksyon ng casino complex sa isla.

Sinabi ni DENR Wes­tern Visayas Regional Director Jim Sampulna na nagpalabas na ng cease and desist order ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Boracay laban sa mga developer ng Costa Vista at Boracay Newcoast upang masigurong tigil ang kanilang trabaho.

Samantala sinabi ni CENRO Officer Richard Favila mahigpit nilang ipatutupad ang moratorium sa konstruksyon ng anumang tourism facilities, business enterprises at mga expansion ng mga establishimento.

Itinanggi na ni Senador Villar, chair ng Senate committee on environment and natural resour­cers, na may bundok na pinatag sa proyekto ng kanilang kompanya.