Abante Tonite Interactive

P6.8M shabu delivery nasabat sa Makati

226

Umaabot sa P6.8 milyong halaga ng shabu ang nasamsam mula sa dalawang lalaking suspek ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Brgy. Poblacion, Makati City hapon nang Martes.

Bandang alas-kuwatro nang hapon nang isagawa ang “controlled delivery operation” ng mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region at Makati City Police.

Agad namang nadakip ang mga suspek na kinilalang sina Edison Pascual Chua, residente umano ng 2020 Manansala Tower, Plaza Drive Rockwell, Makati City 1630, at Brian James Macatangay, ng 18A Eisenhower Tower, Eisenhower St., San Juan City, sa Motor Sports Bar sa Doña Carmen St. kanto ng Kalayaan Ave., Brgy. Poblacion.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na mayroong idedeliber na droga kaya agad silang nagkasa ng operasyon laban sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa isang kilogram ng shabu na naka-package at nagkakahalaga ng P6.8 milyon. (Dolly Cabreza)