Abante Tonite Interactive

P68M shabu nasamsam sa Nigerian, African

204

Umaabot sa P68 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang Nigerian at kasama nitong African sa buy-bust operation ng pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Kamuning Police sa Quezon City, nitong Martes nang umaga.

Sa inisyal na report kay PDEA Director General Aaron Aquino, sina Lawrence Obinna Ikegwuruka, 27-anyos, Nigerian national, at Michella Augustin Tsimaloto alyas ‘Beyonce’, 23, African, kapwa residente ng Ecotrend Subdivision Ligas III, Bacoor City, Cavite ay naaresto pasado alas-9:30 nang umaga (Pebrero 11) sa Don A Roces Ave., Brgy. Paligsahan, QC.

Ayon kay PDEA RO-NCR RSET SI II Freddie Bannagao, nakatanggap sila ng ‘tip’ kaugnay sa malakihang pagbebenta umano ng iligal na droga ng dalawang dayuhan kaya agad silang nagkasa ng operasyon.

Isang ahente ang nakipagnegosasyon sa mga suspek at tumayong buyer. Habang nagkakaabutan na ng shabu at pera ang magkabilang panig ay saka nagsilitawan ang nakakubling PDEA agents at dinakma ang dalawa.

Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 10 kilo ng shabu na nagkakahalagang P68 milyon.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung anong sindikato kabilang ang dalawang dayuhan.

Mariin namang itinanggi ng Nigerian na sa kanila ang nakuhang shabu at iginiit na itinanim lamang umano ang droga sa kanila ng mga awtoridad. (Dolly Cabreza)