Abante Tonite Interactive

P700K shabu nasabat sa QC

120

Anim na suspek ang nasakote ng mga awtoridad sa magdamagang anti-drug operation sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit P700,000 halaga ng shabu.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, ang dalawa sa mga naarestong suspek na sina Nora Disomimba alyas ‘Madam’, 40, at Audie Sadia alyas ‘Jun-Jun’, 28, kapwa nakatira sa Caloocan City.

Sa ulat ng Novaliches Police Station 4), dakong alas-2:20 ng hapon nang masakote ang dalawang suspek sa buy-bust operation na ikinasa sa Dumalay Street malapit sa Susano Complex, Brgy. Sta. Monica.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, dalawang cellular phone, weighing scale, at nabawi rin ang buy-bust money.

Naaresto naman ng Talipapa Police Station 3) sa isa pang buy-bust operation ang tatlo pang suspek na sina Arman Pombayna, 37; Ken Manuel, 26, at Leomar Insigni, 23, pawang residente sa Brgy. Holy Spirit.

Dakong alas-8:50 ng gabi nang masakote sila sa Luzon Avenue, Brgy. Pasong Tamo. Kabilang umano ang tatlo sa watchlist ng Barangay Anti-Drug Advisory Council (BADAC).

Nahulihan sila ng walong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000, cellular phone, at nabawi rin ang buy-bust money.

Sa isa pang buy-bust ng Eastwood Police Station 12 nasakote naman ang suspek na si Elmer Lui, 29-anyos at taga-Marikina City, dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa Calle Industria at Economia St., Brgy. Bagumbayan.

Tatlong sachet ng shabu ang nahuli sa kanya. (Dolly Cabreza)