Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P7M shabu nasilat sa magtiyo

0 53

Sa kulungan bumagsak ang magtiyuhin na umano’y mga high value individual sa bentahan ng iligal na droga matapos silang maaresto at makuhanan ng halos P7 milyong halaga ng shabu o kabuuang P6,870,000.00, sa buy bust operation sa Caloocan City kamakalawa.

Sina Jeoffrey Cardinez alyas “Jeff,” 44, at pamangkin na si John Michael Raco, 21, kapwa taga-Bagong Barrio, ay nahaharap sa kasong Violation of Section 5 and Section 11 Under Article 11 of R.A. 9165.

Sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Ulysses G. Cruz, nasa watchlist nila ang mga suspek na mga bigtime drug pushers sa Northern Metro area.

May ilang Linggo din silang under surveillance bago dinampot.

Alas-12:20 ng hatinggabi, ikinasa ang buy bust ng mga kawani ng NPD-DDEU sa Langit Road, Barangay 176, Caloocan City, at nagkunwaring poseur buyer sina PSsg. Randy Sanoy at PCpl. Lordwin Ignacio.

Umiskor ng P35K halaga ng shabu ang mga parak at nang iabot na sa magtiyuhin ang pera, dinamba na sila at pinosasan.

Nakuha sa mga suspek ang kabuuang 1,025 gramo ng shabu na nakalagay sa bag at may market price na P6,870,000.00, isang motorsiklo at cellphone. (Orly Barcala)

Leave A Reply

Your email address will not be published.