Abante Tonite Interactive

P8.65M pampa-beauty sinamsam ng BOC

By
4,788

Pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang may 48 karton na naglalaman ng mga glutathione at iba pang produktong pampaganda na tinatayang aabot sa P8.65 milyon ang halaga.

Idineklara ang mga nasabing produkto na “personal effects” bilang “unaccompanied cargo” na nakaimbak sa isang customs bonded warehouse sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hindi nakalusot sa mga alertong tauhan ng BOC sa NAIA ang mga bagahe na nakapa­ngalan umano sa isang James Malinao Halasan, isang negosyante na naninirahan sa 11A16 Victoria 1, Kamuning, Quezon City.

Galing ang shipment sa Bangkok, Thailand at isinakay ito sa Phi­lippine Airlines flight PR731 noong Pebrero 13, 2018.

Sinamsam ang mga produkto matapos na maglabas ng alert order si NAIA District Collector Atty. Vincent Philip Maronilla dahil sa umano’y misdeclaration sa laman ng mga kargamento

Ayon kay Maronilla, nakatanggap sila ng intelligence report hinggil sa umano’y tangkang ilabas sa isang bonded warehouse ang mga produktong pampaganda kaya’t inalerto ang mga tauhan ng BOC na nakatalaga sa Customs X-ray Inspection Project at mga anti-illegal drugs personnel ng ahensiya.

Dinala ang mga produkto sa isang collector’s coral sa NAIA.