Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P8 bilyon vs P88 milyon

0 134

Sumagot na si Pangulong Duterte sa naging patutsada ni Sen. Richard Gordon kaugnay ng P8 bilyon na nakuha ng Pharmally Pharmaceuticals Corp.

Nakopo ng Pharmally mula sa kaban ng bayan ang P8 bilyon para sa medical supplies na kailangan ng mga medical frontliner sa gitna ng Covid19, sa kabila ng P645,000 na kapital lamang nito.

Ang tugon ni Duterte – nakinabang ba si Gordon sa P88 milyonng kanyang ‘pork barrel’ na inilagay niya sa Philippine Red Cross?

P8 bilyon vs. P88 milyon?

Huwaw! As in Huwaw!. Parang ang layo nang pinag-uusapang pigura dito.

Una, kailan kaya ang sinasabi ni Duterte na nakinabang si Gordon sa kanyang pork barrel?

Si Gordon ay naglingkod bilang Senador noong 2004 hanggang 2010. At muling naluklok noong 2016.

Pero noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na ‘ilegal’ ang ‘pork barrel’ ng mga mambabatas at simula noon ay inalis na sa kanila ang karapatang mamili o magturo ng proyekto.

Kung si Gordon ay naglagay ng P88 milyon mula kanyang ng ‘pork barrel’ sa Red Cross sa pagitan ng 2004 – 2010, may nakita bang mali noon sa kanyang naging aksyon?

Sino ba ang makikinabang sa ‘pork barrel’ ni Gordon sa Red Cross? Hindi ba ang mamamayan na nangangailangan ng dugo?

SM SuperKidsDay Banner Ad

Naaalala ko noon si yumaong Senador na si Juan Flavier na ang buong ‘pork barrel’ niya ay inilalagay niya sa Philippine General Hospital.

Si Duterte ay naging miyembro ng Kongreso mula 1998 hanggang 2001. Saan naman kaya niya ito inilagay?

Lubhang mababaw ang tugon ni Duterte sa akusasyon ng katiwalian sa P8 bilyon pondo sa Pharmally kung saan sa takbo ng imbestigasyon ng Senado ay ang nakinabang ay ang malalapit na indibidwal sa Pangulo – Christopher Lao at Michael Yang.

Maging ang pahayag ng Commission on Audit (COA) na walang ‘overprice’ sa presyo ng mga medical supplies na ipinasok ng Pharmally ay naabuso.

Ang sinasabi ng COA, walang ‘overpricing’ dahil wala naman na pagbabasehan ng presyo ng medical supplies noon. Kaya nga ang itinakda lamang na ‘ceiling’ ng Department of Health ay di lalagpas ng P2,000.

Pero hindi naman nabanggit ng COA na walang korapsyon.

Sa dinami-dami ng local manufacturer, nandiyan pa ang TESDA at iba’t ibang economic zone, bakit ang kumpanyang Pharmally ang napili ni Lao at humingi pa ng tulong kay Yang para mag-supply ng PPE, face mask at face shield? Bakit tila espesyal ang trato ng gobyerno sa Pharmally at kailangan pang gamitin ang C-130 at navy ships natin para kuhanin ang mga medical supplies sa mainlad China?At sa kabila nito, bakit naningil pa ng ‘transportation cost’ ang Pharmally at ipinatong pa sa presyo ng kanilang medical supplies?

Ang mga impormasyong ito ay hindi imbento kundi galing mismo sa bibig ni Vaccine Czar Carlito Galvez.

Kaya dapat tumbukin na ni Gordon ang usapin. Kitang-kita naman na ginisa ang mamamayang pilipino sa sariling mantika sa gitna pa naman ng pandemic.

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.