Abante Tonite
Mabilis sa Balita

P8B Picasso painting nasa haybol ni Meldy

0 51

Hindi nakaligtas sa mata ng mga netizen at ni dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) commissioner Andy Bautista ang isang painting ng pamosong si Pablo Picasso na naka-display umano sa bahay ni dating unang ginang Imelda Marcos.

Ang painting, na pinangalanang ‘Femme Couche VI’ o `Reclining Woman VI’, ay nakita nang bumisita si presumptive president Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa bahay ng kanyang ina.

Isa umano ang naturang painting sa mga ipinag-utos ng Sandiganbayan na bawiin mula sa pamilya Marcos noong 2014.

“Ang pinakamahalagang painting ni Picasso ay naibenta ng $155 million. So more or less mga P8 billion ang isang painting na ito,” wika ni Bautista sa panayam ng TeleRadyo kahapon.

“Now siyempre hindi natin alam kung anong kalidad ‘no, anong klase ‘no pero talagang ito si Pablo Picasso, isa sa mga talagang masters and talagang napakahalaga nitong painting na ito,” ani Bautista.

Ibinunyag pa ni Bautista na hindi lamang ang `Reclining Woman VI’ ang nawawalang painting na pinababawi mula sa mga Marcos.

“I left PCGG in 2015. Pero nung pag-alis ko dyan, ang naaalala ko, is that meron pang 156 paintings na missing na kailangan pang habulin,” aniya.

Hiling ni Bautista na bigyan ng pansin ng mga namumuno ngayon sa PCGG at Office of the Solicitor General para mabawi ang mga painting na ito.

Samantala, hindi sinagot nang direkta ng kampo ni Marcos ang isyu sa Picasso painting na sinasabing nasa bahay ng kanyang ina.

Sa isang press briefing, sa halip na sagutin ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, ang tanong kung original version o imitation lamang ang naispatan sa bahay ni Imelda, binuweltahan nito si Bautista at sinabihang umuwi sa Pilipinas at gawin nang personal sa bansa ang mga alegasyon nito.

Naispatan ang painting matapos maglabas ng larawan si Senadora Imee Marcos, kung saan makikitang binisita ng kapatid niyang si Bongbong at pamangkin na si Sandro si Imelda.

Dito nakita ng matalas na mata ng mga netizen pati na si Bautista ang diumano’y nawawalang painting na nakasabit sa dingding ng bahay ni Imelda.

“We will not follow the narrative and the cold allegation of somebody who is thousands of miles away from his motherland. Umuwi kayo rito, dito ninyo gawin iyong alegasyon, nang sa ganun mapanagot din namin kayo doon sa napakaraming bintang at alegasyon tungkol sa kung paano ninyo pinatakbo `yong 2016 elections,” ayon kay Rodriguez. (Mark Joven Delantar/Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.