Abante Tonite Interactive

Pa-order naman, miss

By
914

‘Pag nasa restoran ako, parati ko na lang sinasabi sa waitress na ‘wag lalagyan ang plain rice na inorder ko ng kung anong berdeng budbod. Una kasi, ang inorder ko ay plain rice.

Ibig sabihin, kanin lang… walang halo. Kadalasan, tatango ang waiter na magkukun­yaring naintindihan ang sinabi ko. Aasa naman ako.

Pagdating ng order ko, may budbod ng berde ang kanin ko. Bagay na hindi ko kasi talaga magustuhan… at pakiramdam ko, parang hindi naiintindihan ang pakiusap ko. O ayaw lang intindihin.

Isang araw, napaisip ako. Nakaupo ako sa isang restoran at inisip ko, paano ko kaya mapapasunod ang waiter sa gusto kong mangyari. Baka ilabas na naman niya ang white plain rice ko na may budbod na berde sa ibabaw.

Baka kailangan ko na naman siyang ipatawag upang ipatanggal muli ‘yun… dahilan para mainis ako dahil ayaw akong intindihin sa aking bilin.

Tinawag ko ang waitress at ito ang sinabi ko: “Miss, isang plain white rice. Alam mo, last week tinakbo ako sa ospital dahil nakakain ako ng parsley na nilagay ng wai­ter sa ibabaw ng kanin ko. Kinailangan akong isugod sa emergency room at ipasuka ang nakain ko para hindi ako tuluyang mamatay. Bumula ang bibig ko pero mabuti na lang naagapan dahil kung hindi patay na ko ngayon.”

Nakatingin lang ang waiter sa akin habang may sinusulat. Parang nagulat ata sa aking kuwento. Napangiti lang ako nang tumalikod na siya. Duma­ting ang pagkain ko at kanin ko. Wala na ang budbod, sinunod na rin ako sa wakas ng restoran na ito.

Naalala ko ‘yung mga sinarang tawiran ng MMDA. May malaking babala du’n: “Wag tatawid… May namatay na dito.”

Nakakatawa siyang basahin. Pero talagang kelangan nating idiin na may masasaktan at may mamamatay para sumunod lang tayo. Dahil kung galos lang, tatawa lang ang tatawid at hindi iindahin ang panganib na dala nang pagtawid sa maling tawiran.

Likas sa ating Filipino na gagalaw tayo ‘pag tinatakot tayo. Sumusunod tayo ‘pag malapit na ito sa disgrasya.

Iyung tayo ang masaktan o makakasakit na tayo na puwedeng maging dahilan ng kanyang pagkamatay. Sineseryoso natin ang isang bagay kung life and death na ang sitwasyon.

Puwede namang hindi. Kung susunod lang tayo. Kung makikinig lang tayo.