Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paalam 2020

0 98

Ilang kembot na lang at 2021 na.

Marami sa atin ang excited nang matapos ang 2020.

Sa dami ba naman ng hindi magagandang nangyari sa ating bansa at sa buong mundo ay talagang halos lahat ay ninanais na matapos na ang taong 2020.

Pero kahit yata 2021 na ay may peligro bang nakaamba sa ating lahat dahil wala pang kasiguraduhan ang hinihintay nating bakuna na pangkontra sa COVID-19.

Hindi lang ‘yan, hindi ba’t nakakatakot ang nadiskubreng bagong strain ng COVID-19 sa Europa na nakarating na rin sa ilan pang bansa.

Kaya ingat-ingat po tayong lahat, dahil walang nakakakita sa kalaban nating virus. Ang tanging susi para makaligtas tayo sa bagsik ng COVID ay ang ating pag-iingat.

Tutal din ay nag-iingat ang karamihan sa atin. Bakit kaya hindi magdesisyon ang gobyerno na tuluyan nang ipagbawal ang pagpasok sa ating bansa ng mga turista o kahit mga kababayan nating galing sa mga bansang may kaso na ng bagong COVID.

Pinakamainam na itong desisyon para mas makasiguro tayong hindi mapapasok ng nasabing klase ng virus ang ating bansa.

Natuto na sana tayo sa inabot ng ating bansa nang hindi maghigpit sa mga dayuhang galing sa China na siyang pinaniniwalaang pinagmulan ng COVID.

Tutal din ay naghihigpit na tayo sa mga pumapasok sa ating bansa, gawin na natin ang nararapat na hakbang lalo na’t hanggang ngayon ay wala pa tayong bakuna kontra COVID.

Huwag nang makipagsapalaran pa, baka sa bandang huli ay mas matinding perwisyo ang ating abutin. Huwag naman sana dahil sobrang hirap na ang dinaranas ng sambayanang Filipino dahil sa pandemyang ito.

***

Kahit excited na tayo sa 2021 na magpalit ang taon ay marami pa ring bagay ang ipinagpapasalamat natin sa taong 2020 at sa Poong Maykapal.

Unang-una ay ang kaligtasan nating lahat at siyempre ang patuloy na pagkakaroon natin ng hanapbuhay sa kabila ng sangkaterbang kompanyang sumuko na dahil hindi na nakayanan ang pagkalugi.

Hindi lang ‘yan dahil sa kabila ng pandemya ay pinalad tayong maging isa sa mga opisyal ng National Press Club (NPC) na ang layunin ay itaguyod ang kapakanan ng mga mamamahayag sa bansa.

Sa katunayan kahit pandemya ay maraming nakalinyang programa ang NPC sa ilalim ng liderato ni G. Paul Gutierrez para sa kapakinabangan ng ating mga kapatid sa pamamahayag na mas nangangailangan ng tulong ngayong mga panahong ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.