Abante Tonite Interactive

Paalam, Ian ‘Yan’ Lariba!

By
290

Parating pa lang kahapon ng Pilipinas ang bahagi pa ng delegasyon ng bansa na sumabak sa 18th Asian Games 2018 sa lungsod na ito ng South Sumatra, at sa Jakarta City, Indonesia na pinangungunahan ni skateboarding women’s street gold medalist Margielyn Arda Didal.

Kaya hindi pa nakakapagdiwang ang mga Pinoy, ang Philippine Sports Commission at Phil. Olympic Committee sa tagumpay ng mga atleta sa tuwing apat na taong paligsahan, na sa edisyong iyo’y nilahukan ng 45 bansa na mga nagpasiklaban sa 16 na araw.

Ayos na sanang magsisimula ang panibagong linggong ito tapos makapag-uwi ang mga Filipino athlete ng 4-2-15 gold-silver-bronze medal para sa ika-19 na puwesto, ang pangwalong pinama­kataas na tinapos sapul noong 1951, at magara sa huling tatlong edis­yon o sa 12 taon.
Pero lungkot pala ang sasalubong dahil sa pagkamatay ni 2016 Rio de Janeiro Olympic paddlewielder Ian ‘Yan’ Lariba, 23, at tubong Cagayan de Oro City.

Abante Hiring – IT dep

Ang may taas na 5 talampakan-3 pulgada na magandang dalaga ang dakila nating table tennis player. Una siyang Pinoy na nakalaro sa quadrennial sportsfest tapos makuha ang 1 sa 6 na RDJ Summer Olympic Games slot sa Asian Qualifying Tournament noong Abril 2016 sa Hong Kong.

Malawak at malalim ang karanasan ni Yan bago siya nakapag-Olympics, nabatid ko sa isa sa panayam sa kanya noong Mayo 2016 bago siya mag-training sa Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Kinatawan na rin niya at nakarga ang PHL national women’s team sa quarterfinals finish sa 53rd International Table Tennis Federation World Table Tennis Championships 2016 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nag-10th place ang PH squad na pina­ngunahan niya sa 32nd Asian Table Tennis Championships 2016 sa Pattaya, Thailand; champion team sa Division 4 ng 52nd ITTF WTTC 2014 sa Tokyo, Japan; bronze medal team sa 17th ASEAN University Games 2014 sa Palembang, Indonesia; quarters finishes sa tatlong Southeast Asian Games noong 2007, 2013 at 2015 sa Thailand, Myanmar at Singapore; 2008 Thailand Asian Youth Olympic Qualifier kung saan fifth placer siya sa singles; at second-third sa 2005 at 2006 Southeast Asian Junior Table Tennis Championships na parehong sa Brunei.

Makulay ang 12 taon na niyang pagla­laro sa lokal na mga paligsahan. Nakatanggap ng 2015 De La Salle University Gawad Lasalyano (Namumukod Tanging Pinunong Mag-aaral sa Pang-Indibidwal na Isports), 2013, 2014 at 2016 Philippine National Games champion, nabalikat ang La Salle Green Archers sa women’s team title ng 2012, 2014 at 2015 University Athletic Association of the Philippines kung saan siya ang nag-MVP rin sa mga nasabing taon at marami pang kara­ngalan ang inialay sa bansa.

Isang consistent dean lister kung saan nakatapos sa De La Salle University-Taft ng BS Management- Financial Institution si Lariba, na ubod ng bait, magalang at mapagkumbaba.

Isang pakikiramay po mula sa Abante/Abante TONITE/Abante TNT at sa TP. Paalam sa ating mahal na pambansang kayamanan. Hanggang sa muling pagkikita.