Abante Tonite Interactive

Paalam, Kobe

725

Sa tanang pagkahilig ko sa basketball, tatlong beses na kong napaiyak nito.

Una ay nang marinig ko ang mga katagang ‘The curse of Korea has been broken!’

Ito ay noong matalo ng Gilas Pilipinas ang South Korea at sa wakas ay makatungtong sa World Cup makalipas ang apat na dekada.

Pangalawa ay ang makapanindig-balahibong tira ni Justin Brownlee sa 2016 PBA Governors’ Cup para tapusin ang eight-year title drought ng fan favorite sa liga na Barangay Ginebra San Miguel.

Huli ay ang retirement game ni Kobe ­Bryant, klaro pa sa aking memorya kung paano nito hinabol ang iskor at kahit hapong-hapo na ay pinilit maipanalo ang laban para sa kanyang kahuli-hulihang NBA game kung saan tumapos siya ng 60 points.

At noong Lunes nang umaga, hindi ko inaasa­han na muli akong mapapaluha dahil sa basketball.

Hindi ako fan ni Kobe katulad ng ibang die-hard na LA Lakers fan, ngunit gayunpaman ay malaki ang respeto ko sa kanya hindi lamang bilang basketball player, kundi bilang tao.

Naaalala ko pa kung paano niya seryosohin sa laro ang mga PBA All-Star, na kung tutuusin ay kayang-kaya niya kahit hindi ibigay ang 100 percent.

Isa pa sa mga nakakahanga sa kanya ay ang pagtulong sa mga biktima ng car crash noong 2018, kung tutuusin ay hindi naman niya ito res­ponsibilidad ngunit bilang mabuting citizen ay ginawa pa rin ito.

Kahit sa WNBA ay si Kobe ang pinakasinasaluduhang NBA player, na ayon sa mga report ay ito ang natatanging basketball legend na nanonood ng laro sa women’s league at suportado ang vision nito.

Marahil isa sa mga factor ay ang pagkahilig ng kanyang anak na si Gigi sa basketball, na kahit may mga nagtatanong kung maganda na may lalaki itong anak, walang pakialam dito si Kobe.

Para sa kanya, sapat na sa kanya ang mga sup­ling at kung nais nitong sundan ang kanyang yapak ay game siya sa pagtuturo dito.

Maraming nabagong buhay si Kobe, labas man o loob ng court, personal man niyang kilala o hindi, hindi matatawaran ang piraso na iniwan ni ‘Black Mamba’ sa bawat basketball fan.