Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paalam sa hari ng Agimat

0 652

INILIBING na ang aming Lolo, si Ramon Revilla, Sr. na tinatawag naming Daddy, na siyang haligi ng pamilya Revilla na bukod sa mabuting Lolo ay mabuti ring ama sa kaniyang mga anak.

Ilang araw bago pumanaw ang aking Lolo ay naglabas-masok na ito ng St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig dahil sa madalas na pagdaing sa paninikip ng kaniyang dibdib.

Hanggang sa isang araw bago ang pagdiriwang ng Fathers Day ay nakiusap ito sa aming lahat na kung maari ay payagan na siyang umuwi para makapag-diwang sa bahay at makasama ang mga anak at apo.

Natupad ang kaniyang pakiusap at naging masaya ang selebrasyon ng Fathers Day na dinaluhan ng lahat ng kaniyang mga anak at mga apo na ginanap sa isa mga bahay sa aming compound sa Bacoor City.

Matapos ang okasyon ay nagpatuloy ang isinasagawang monitoring sa kaniya ng kaniyang doktor at pagsapit nga noong nakarang Biyernes, bandang alas 5:20 ng hapon ay sumapit na ang pinakamalungkot na sandali sa aming buhay.

Pumanaw si Daddy (Lolo) dahil sa multiple organ failure o acute respiratory failure secondary to pneumonia na naging dahilan ng heart failure na kaniyang ikinasawi.

Sa edad na 93 ay iniwan na kami ni Daddy, ang taong humubog sa aking ama na si Sen. Bong Revilla, Jr. na sumunod din sa kaniyang yapak at maging ako ay kaniya ring ginabayan at hindi nakakalimutang paalalahanan hinggil sa mabuting gawain sa kapwa.

Ang aking Lolo na kilala sa tawag na Don Ramon ng mga malalapit sa kaniya at sa iba pang nakakakilala ng personal ay tinaguriang “HARI NG AGIMAT” dahil bukod sa pagiging aktor, filmmaker ay isa rin itong Senador.

Sa mga hindi nakakaalam ang Lolo ko ay nagtamo ng pangalawa sa may pinakamataas na boto noong 1992 senatorial elections at siya rin ang may akda ng “Revilla Law” na nagbibigay ng karapatan sa mga illegitimate children na gamitin ang apelyido ng kanilang ama na nagbigay ng pagsang-ayon sa kanilang birth certificate, civil registry, public documents o iba pang hand-written instrument.

Ang Lolo ko rin ang tinaguriang “Father of Public Works Act” bilang may akda ng R.A. 8150. Siya rin ang naghain ng amyenda sa Dangerous Drugs Act (R.A. 6425) upang punuan ang mga butas ng batas na kadalasang ginagamit ng mga nasakote upang takasan ang mabigat na parusa, ganoon din ang R.A. 8294 na nag-amyenda sa umiiral na batas laban sa illegal possession of firearms.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Motion Pictures and Television sa 10th at 11th Congresses, ang Lolo ko ay ginawa rin ang lahat ng kaniyang makakaya upang maiangat ang kapakanan ng local entertainment industry, at sinigurong ang violence at sex ay aalisin sa television dahil ang 15 % o tatlong oras ng airtime ay inilaan para sa children’s shows.

Ang Lolo ko rin ang gumawa ng batas para sa mga atletang nagdala ng karangalan sa ating bansa na magkaroon ng lifetime pension, maging ang automatic promotion at salary/benefits para sa nais na magretirong public school teachers.

Kaya Daddy, salamat sa lahat ng aral, lalung-lalo na sa halimbawa ng pagmamahal sa bayan. Sobra ang paghanga ko sa iyo dahil sa malasakit mo sa ating mga kababayan. Napakarami mong tinulungan, inalagaan at inaruga. Mami-miss ka namin ng sobra. Rest well, Daddy we love you.

Leave A Reply

Your email address will not be published.