Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paalam sa herd immunity

0 259

Sa maagang yugto ng pakikibaka ng daigdig sa pagragasa ng COVID-19, tinruo sa atin ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larangan (tulad ng public health, epidemiology, virology, atbp.) na magiging susi ang papel ng bakuna upang mawakasan ang pandemya. “Herd immunity” daw ang target na kailangang abutin upang mapawi sa balat ng lupa ang SARS-CoV-2 (ang virus na nagdudulot ng sakit na COVID-19) at makabalik na tayong lahat sa “normal” na pamumuhay. Dahil “novel” o bago ang coronavirus na unang naiulat sa Wuhan noong katapusan ng 2019, walang anumang likas na depensa (immunity) ang sinuman sa pag-atake nito. Kung makatutuklas ng epektibong bakuna at mababakunahan ang sapat na bilang ng populasyon (tinatayang di bababa sa 70%), mapagkakaitan ang virus ng mga indibidwal na madadapuan, mapuputol ang kadena ng paghawa sa iba pa, at kusang maglalaho ang virus katulad ng nangyari sa unang coronavirus na kumalat sa ilang bahagi ng mundo noong 2003. Sa madaling sabi, inasahan na magreresulta ang maramihang pagbabakuna sa di bababa sa 70% ng pandaigdigang populasyon sa pagpuksa o eliminasyon ng SARS-CoV-2.  

Walang kapantay sa kasaysayan ang naging bilis ng pagtuklas sa mga epektibong bakuna laban sa bagong coronavirus at pag-roll out ng mga kampanya ng mass vaccination sa ilang bansa (na nagsimula sa US at UK noong huling kwarto ng 2020). Sa kaso ng Pilipinas, itinurok ang unang bakuna kontra COVID nitong Pebrero. Ayon sa plano ng National Task Force against COVID-19, tinakdang target ang pagbakuna sa 70 miyong Pilipino sa katapusan ng taong 2021 upang marating ang herd immunity.

Naging mabilis at matagumpay, sa kalakhan, ang kampanya ng pagbabakuna sa ilang mayamang bansa. Tampok dito ang Israel, US, at UK – mga bansang kumorner ng bulto ng mga bakuna mula sa mga dambuhalang korporasyong parmasyotiko ng Kanluran (Pfizer sa Israel; Pfizer at Moderna sa US; at AstraZeneca sa UK). Winakasan ng Israel ang mga COVID restrictions noong Mayo. Sa US naman, dineklara ng gubyerno na hindi na kailangang magsuot ng face mask ang mga bakunado. Sa UK, inalis ang lahat ng COVID restrictions nitong July. Lumaganap ang paniniwala sa mga bansang ito na tapos na ang pandemya.

Related Posts

Sa kasamaang palad, lumaganap ang Delta variant. Ito ang anyo ng coronavirus na unang lumitaw umano sa India at dalawang beses na mas nakahahawa kumpara sa orihinal na anyo nito sa Wuhan. Mas mababa na rin umano ang proteksyon ng mga bakuna kontra sa Delta. Ayon sa gubyerno ng Israel, halimbawa, 39% na lamang ang bisa ng Pfizer vaccine (na tinuturing na gold standard ng mga bakuna kontra COVID) laban sa Delta variant, bagaman nasa 91% pa rin ang bisa laban sa malubhang sakit. Ayon sa iba pang pag-aaral, maaari ding makahawa ang mga bakunado na tinamaan ng COVID-19.

Ibig sabihin ng lahat ng ito na, sa paglitaw at paglaganap ng mga bago at higit na nakahahawang variant ng coronavirus, hindi na posibleng makamit ang inaasam na herd immunity. Sa halip ng eradikasyon, bukambibig na ngayon ng ilang mga siyentista at eksperto ang “endemicity.” Magiging endemic, o permanenteng bahagi ng ating mundong kinikulusan, ang SARS-CoV-2, tulad ng mga virus na nagdudulot ng sipon, trangkaso, dengue, at HIV. Tayo ang kailangang mag-adjust.

Leave A Reply

Your email address will not be published.