Abante Tonite Interactive

Paano ba magdisiplina ng bata?

By
1,168

Malaking hamon ang maging isang magulang. Ayon nga sa isang developmental and behavioral pediatrician: “Parenting is a very challenging profession.”

Paano ba ang tamang pagdidisiplina sa bata?

Habang bata pa’y napakaimportanteng mamulat na at ituro sa kanila ang kanilang limitasyon o hangga­nan na puwede nilang gawin.

Habang kontrolado pa’t madali silang mahubog ay mabuting maituro na sa kanila ang tamang oras o iba’t ibang limitasyon nila gaya ng mga sumusunod:

1. Oras ng paglalaro partikular na ang compu­ter games.

2. Pag-aaral o paggawa ng takdang-aralin.

3. Panonood ng telebisyon.

4. Tamang lugar at oras ng pagkain.

Kailangang ipamalas sa murang isipan pa lamang nila ang mga negotiable at non-negotiable at kailangang panindigan at ‘di dapat na pabago-bago ang panuntunang ito para hindi sila malito.

Sa kabilang banda, hindi rin porke’t ikaw ang magulang o nakatatanda ay ikaw lagi ang masusunod. Sa halip na ipilit ang gusto ng isang magulang ay bigyan din ang anak ng kalayaang makapagdesisyon para sa kanilang sarili tungkol sa mga simpleng bagay, gaya nang gusto nitong isuot o gawin.

Sakali namang mag-alburoto ang anak kapag hindi nakuha ang gusto ay makabubuting huwag muna itong pansinin. ‘Ika nga ng mga tagapayo: “A tantrum likes an audience. No audience, no tantrum.”

Imbes na sabayan ng sermon o galit ang pagkakaroon ng sumpong ng supling ay hayaan muna sila. Kausapin na lamang sila kapag kalmado na upang mas madali nilang maintindihan ang mensahe mo o punto.

Hayaan silang masaktan minsan. Maaari itong gawin ng isang magulang kung gusto nilang ma­ging ‘strong inside’ ang kanilang mga anak.

Tandaan na hindi sa lahat ng oras ay nasa tabi mo sila at mapoprotektahan kaya kung ‘madapa’ man sila minsan at makatayo sa sarili din nilang mga paa ay mas tatatag sila at ‘di laging naka­depende sa iba.