Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Paano ginamit ang buwis ng mga Batang Maynila

0 51

Una sa lahat ay nais kong magpasalamat sa pamunuan at patnugot ng pahayagang ito sa patuloy na pagtitiwala sa inyong lingkod.

Napakabilis ng panahon. Nakadalawang taon na pala ang ating pitak at kaugnay niyan ay nais ko ding pasalamatan ang ating mga taga-subaybay at higit sa lahat, salamat sa Panginoon. Nawa ay patuloy ninyong tangkilikin ang aming pahayagan.

***

Nang nakaraang Linggo ay nagbigay ako ng ikatlong State of the City Address (SOCA) sa isang simpleng pagtitipong ginanap sa session hall ng Manila City Council kasama ang mga halal at itinalagang opisyal ng Maynila.

Batay sa tradisyon ay kailangan kong ilahad sa mamamayan ng Maynila kung ano ang ginagawa ng kanilang lokal na pamahalaan sa nakalipas na taon at kung paano ginastos ang kanilang buwis.

Buong kababaang-loob kong iniuulat na sa kabila ng mga hamong dala ng COVID-19 na nagpahinto sa pag-inog ng ekonomiya di lamang sa lungsod kundi sa buong mundo, ang inyong pamahalaang-lungsod ay nagawa pa ring makapagdala ng mga ‘basic services’ laluna sa hanay ng mahihirap na pinaka-tinamaan ng pandemya.

Kada buwan ay walang mintis ang pamahalaang-lungsod sa pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa 15,000 senior citizens; 1,800 persons with disability; 5,000 solo parents; 17,000 college students at 5,000 Grade 12 students.

Sa ilalim ng COVID-19 Food Security Program (FSP), halos 700,000 pamilya ang tumatanggap kada buwan ng food box na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, kape at mga de lata upang maibsan ang epekto ng pandemya. Anim na buwan na itong ginagawa.

Umabot sa 22,563 katao ang nasagip ng emergency and rescue units; 3,742 pamilyang nasunugan ang nabigyan ng financial assistance at 8,548 walang tahanan ang inalagaan ng lungsod. May 460 PWDs ang nakatanggap ng libreng wheelchairs at 3,000 kabataan na may ‘special needs’ ang inasikaso.

Ukol sa pandemya, ating inilunsad bago mag-Bagong Taon ang online registration bilang preparasyon sa mass vaccination program na inumpisahan naming ng Marso. Enero 5 naman nang aking lagdaan ang kontrata para sa pagbili ng 800,000 doses ng AstraZeneca vaccines at nitong Abril naman ay nagkaroon din tayo ng kasunduan para sa pagbili ng 400,000 doses ng Sinovac.

Naging epektibo ang serye ng simulation exercises na aming isinagawa dahil ngayon ay nakapagbubukas tayo ng 22 sites kada vaccination day, kung saan ang operasyon ay umaabot ng 14 oras o mula 6 a.m. hanggang 8 p.m. na nae-extend pa dahil hanggat may nakapila ay binabakunahan ng masisipag nating vaccination teams, kapag may bakunang nadating.

Mismong si Vice Mayor Honey Lacuna ang nangunguna sa ating mass vaccination program at pagbibigay ng ‘home service’ vaccination para sa mga nakaratay at mga ‘physically-challenged’ na di makapunta sa vaccination sites.

Bukod sa quarantine facilities, patuloy na pagbibigay ng libreng RT-PCR testing at pagtatayo ng molecular testing laboratory at vaccine storage facility, ang lungsod ay nagpagawa din ng Manila COVID-19 Field Hospital na may 344-bed capacity, sa loob lamang ng 52 araw.

Inilunsad din natin ang modernong housing projects para sa mga walang tahanan at nangungupahan. Bukod sa Tondominium 1, Tondominium 2 at Binondominium na 50 percent nang kumpleto, bukod pa sa BaseCommunity at paparating na San Sebastian Residences, San Lazaro Residences at Pedro Gil Residences.

Kapuna-puna na ang bagong business applications sa lungsod ay tumaas at umabot ng 4,829 mula January 1 hanggang June 25, 2021 kumpara sa 2,933 para sa parehong period noong nakaraang taon. Ang real property tax collection ay nasa 71.36 percent para sa kalahati ng 2021 lamang at ang overall revenue collection ay nasa P19,177,099,394 mula July 1, 2020 hanggang June 30, 2021, na katumbas ng 50.71 percent increase kumpara noong nakalipas na taon.

Sa aspeto ng edukasyon, may 137,217 tablets na may SIM cards ang ipinamahagi sa public school students mula kinder hanggang senior high school, samantalang may 11,000 laptops ang ibinigay sa mga public school teachers.

Para sa current schoolyear, ang lungsod ay bumili ng karagdagang 60,820 tablets para sa mga bagong enrol na public school students. Naglaan din ang lungsod ng P120,600,000 halaga ng internet data para sa apat buwan at 201,000 K-12 students.

Uumpisahan na din ang pagtatayo ng public schools na kapareho ng kalidad ng private schools. May P2 billion ang inilaan natin para sa pagpapagawa ng Dr. Alejandro Albert Elementary School; P1.9 billion para sa Rosauro Almario Elementary School at P1.3 billion para sa Manila Science High School.

Bilang produkto ng public school, nais ko lamang na maranasan ng public school students ang tinatamasa ng mga private schools. Sa tulong ng Diyos, maaabot natin ito.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.