Abante Tonite Interactive

Paano mag-transfer ng land title?

524

Good day Atty. Claire,

May gusto lang po akong itanong about sa pag-transfer ng title. Annulled na po ako but my property po kami ng ex-husband ko. Ngayon po gusto ko na pong i-transfer sa dalawang anak ko na nasa legal age na po.

Bago po kami ma-annulled pumirma po s’ya ng Deed of Donation na ‘yung pro­perty namin na house ay ibibigay n’ya sa dalawang anak that’s the time na mga minor pa sila.

Is that valid po ba Atty? Kahit ‘di pa nanotaryo ‘yung nasabing Deed of Donation? Kasi according sa pinagawan ko dati ‘wag muna ipanotaryo hanggang ‘di pa raw mai-transfer ang titulo, tama po ba ‘yun?

Ngayon annulled na kami at nasa legal age na po ang mga anak namin pwede ko na po bang ipa-transfer ang titulo ng bahay namin?
Lubos na gumagalang,
Roselyn

Ms. Roselyn,

Ang ginawang Deed of Donation ng iyong asawa pabor sa inyong mga anak ay valid kahit iyan ay matagal nang nagawa. Kakailanganin ninyo lamang na iyan ay manotaryuhan upang maipro­seso mo ang paglipat ng titulo sa pangalan ng inyong mga anak.

Inaasahan ko na naman na na­ging maganda ang inyong paghihiwalay upang sabay na kayong pupunta at haharap sa notaryo publiko upang mapanum­paan at patotohanan ang dokumento na inyong ginawa at pinirmahan.

Tandaan na ang pag-dispose o pag­lipat ng may-ari ng kanyang karapatan sa isang ari-arian ay karapatan niya ngunit kapag ang asawa mo ay nagkaroon muli ng ibang mga lehitimong anak sa magiging asawa niya (kung magkakaroon) ay maaaring maibalik sa dating estado ang ari-arian upang hindi maapektuhan ang share ng iba niyang mga tagapagmana kung sakaling hindi sapat ang share upang mahati nang pantay-pantay.

Kakaiba naman kapag ang ginawang dokumento ay isang Deed of Sale (totoong may bentahan). Kapag bentahan ang naging transaksyon pabor sa anak ay hindi na ito mababawi pa at maibabalik sa dating estado (estate ng asawa mo) dahil naisalin sa iba ang ari-arian nang may kasamang konsideras­yon o bayad.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.