Abante Tonite Interactive

Paano maiiwasan ang pagkapanis

479

julius segovia

julius-segoviaNag-uulan na kung minsan pero kapansin-pansin pa rin ang maalinsangang panahon. Hindi maikakailang ramdam ito ng bawat isa sa atin. Katatapos mo pa lang maligo, pero basang-basa ka na naman sa pawis.

Kapag mataas ang temperatura, dapat mas maging maingat tayo sa food storage. Mas mabilis mapanis ang pagkain tuwing mainit ang panahon. Kaya kaila­ngang siguruhing nasa cool place ang mga food item sa bahay.

Ngayong mataas ang humidity level, dapat ding i-consume agad ang pagkain habang sariwa – makatutulong ito para ma-beat ang summer heat at mabuti rin ito sa ating immunity. Hindi rin advisable na iimbak nang matagal ang pagkain dahil mas madali itong masira.

Ang nakababahala, kapag na-contaminate ang pagkain, posible itong magdulot ng food poisoning. Sa latest data ng World Health Organization, mahigit 350,000 na tao ang namamatay sa buong mundo taon-taon dahil sa food poisoning o pagkalason.

Karaniwang sintomas ng foodborne illnesses ang diarrhea, vomiting, body pain, o ang mas malala – gastroenteritis at food poisoning.

Ayon sa mga dalubhasa sa kalusugan, para maiwasan ang food-related illnesses, importanteng linising mabuti ang lugar kung saan naghahanda ng pagkain.

Makatutulong daw kung titiyakin ding malinis ang sponge na ginagamit sa paghuhugas ng kitchen utensils gaya ng pinggan, kutsara’t tinidor at mga baso. Gumamit din daw ng dishwashing liquid soap na may anti-bacterial agents para mapatay ang germs na namamahay sa sponge.

Sa paghihiwa ng mga rekado sa pagluluto gaya ng karne, prutas at gulay, iba-ibang kutsilyo at chopping board ang gamitin para hindi magkaroon ng cross-conta­mination. Mabilis ka­sing naisasalin ang bacteria kung isang kasangkapan lang ang gagamitin.

Kapag bumili ng mga gulay sa palengke, hugasan munang maigi saka ibalot sa paper bag at itago sa refrigerator. Tiyaking iluluto ang mga gulay tatlong araw matapos bilhin. Kapag kasi matagal naimbak sa ref, nawawala ang mga importanteng bitamina at protina ng gulay, at nawawalan din ito ng lasa.

Huwag ura-uradang ilagay sa ref ang bagong luto o ‘yung mainit-init pang pagkain. Palamigin muna ito batay sa room temperature, saka itago sa ref.

Kapag mainit, mabilis ding mabulok ang mga prutas lalo na ang saging. Kaya bumili lang ng kayang ubusin ng pamilya para hindi masayang ang pera.
Iwasang mamalengke ng sobra-sobra dahil nakaka-engganyo pa ng insekto ang mga bulok na prutas.

Ang mga ulam namang may rekadong gata o coconut milk, kailangang ubusin sa loob ng 24 oras. Siguruhin ding lutong-luto ang gata para mas humaba ang shelf life ng ulam.

Ang sa akin lang, huwag balewalain ang wasto at tamang paghahanda ng pagkain lalo na ngayong mainit ang panahon para lagi tayong safe at healthy!