Abante Tonite Interactive

Paano maiiwasan ang sepanx?

632

Julius Segovia

Unang araw ng klase ngayon sa mga pampublikong paaralan.

Tiyak akong uma­lingawngaw na naman ang iyak ng mga batang first time pa lang pumasok sa eskuwela. Hindi lang iyak, ang iba’y naglulupasay pa. Halos walang magawa ang teacher para mapatahan sila. Kaya kung minsan, sinasamahan na lang ng magulang sa loob ng silid-aralan ang bata para kumalma.

Tuwing may ganitong eksena, napapa­ngiti ako. Naaalala ko kung ilang kurot sa singit ang inabot ko kay Mommy noong unang linggo ng klase ko sa Kindergarten. Ayaw ko rin kasing magpaiwan sa school. Kung anu-ano rin ang dahilan ko sa kanya para maka-eskapo lang sa klase.

Nariyang masakit kunwari ang ngipin ko, minsan nama’y mahapdi kuno ang tiyan. Nakatatawang magbalik-tanaw. Pero ang naranasan kong ‘yan, isang seryosong paksa na madalas nababalewala.

Separation anxiety o sepanx ang tawag sa ganitong kundisyon ng mga bata kung saan natatakot silang mahiwalay sa kanilang mga magulang. Senyales nito ang pag-iyak ng mga bata, pagkakaroon ng tantrums o bigla na lang naiihi sa salawal.

Ayon sa mga child psychologist, normal ang ganitong reaksyon ng mga bata lalo na kung first-time student sila. Nasanay raw kasi silang nasa bahay lang at kapiling ang kanilang pamilya. Kaya tiyak na maninibago sa school environment.

May mga paraan naman para hindi ma-stress o makaranas ng separation anxiety ang mga bata sa unang araw ng klase.

Related Posts

Una, mainam kung isasama sila sa pamimili ng mga gamit pang-ekuwela at uniporme. Sa ganitong paraan, ma-eexcite daw ang mga batang pumasok sa klase.

Bago magsimula ang pasukan, makatutulong din kung isasama sila sa papasukang eskuwelahan para ma-familiarize na sa lugar.

Mas okay kung isinali ang mga bata sa summer classes para maru­nong na silang makihalubilo sa mga kapwa-bata.

Makakatulong din sa mga bata kung papayag ang pamunuan ng paaralan na pansamantalang manatili ang mga magulang o yaya sa loob ng classroom habang hindi pa sila sanay sa bagong environment.

Makakabuti rin daw sa mga bata kung hahayaan silang magdala ng mga bagay na lagi nilang bitbit o pamilyar sa kanila tulad ng mga paboritong laruan o larawan ng kanilang pamilya.

Ayon sa mga eksperto, pinakamatagal na ang isang linggo para maalis ang takot ng mga bata sa paaralan. Kung hindi pa rin maalis ang sepanx ng mga bata, maaaring humingi ng gabay at sumangguni sa ­guidance counselor ng eskuwelahan.

Isa rin siguro sa makakatulong upang maiwasan ang sepanx sa mga bata ang mga aktibidad o gawain nila sa eskwelahan. Ang sa akin lang, dapat handa rin ang teacher sa mga palaro. Mas okay rin kung kantahan at sayawan ang gagawin sa unang araw ng klase para hindi ma-pressure ang mga bata.

Importante kasing makuha muna ang loob ng mga bata bago ang pormal na pagsisimula ng aralin.