Abante Tonite Interactive

Paano na ang aking pamilya?-Coco

1,717

Nagbigay na rin si Coco Martin ng kanyang pahayag at nararamdaman sa napipintong pagsasara ng ABS-CBN. Sa kanyang mahabang Instagram post, he emphasized kung gaano kalaki ang tulong na nagawa sa kanya at sa pamilya niya ng Kapamilya network at hindi lang sa kanya kungdi sa napakarami pang artista.

“Napakalaki ng utang na loob ko sa ABS-CBN, natupad ko lahat ng pangarap ko para sa sarili ko at sa aking buong pamilya. Dahil sa sa ABS-CBN, napakaraming tao at pamilya na nabigyan ng oportunidad magkaroon ng maayos na buhay. Sa pamamagitan ng FPJ’s Ang Probinsyano, napakaraming taong natulungan, mula sa aming mga artista, staff at crew.

“Nabigyan ulit ng trabaho lalo na ang mga artista na nawalan ng pag-asa na muling makita ulit sa telebisyon, nagkaroon ulit sila ng pagkakataon para kumita at ituloy muli ang kanilang mga pangarap! 11,000 na empleyado po ang mawawalan ng trabaho kabilang na po ako,” simula ni Coco.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang aktor sa magiging buhay nila ng kanyang pamilya kung magsasara ang network.

“Paano na po ang aking pamilya at ang mga pamilya ng lahat ng nagtratrabaho sa kumpanyang ito? Dito po kami umaasa ng aming ikabubuhay.

“Sa pagtatrabaho ko sa ABS-CBN ay nalibot ko na halos ang buong Pilipinas at buong mundo upang pasiyahin at pasalamatan ang lahat ng mga Pilipino na tumatangkilik sa aming mga pinalalabas.

“Gumagawa din po ang ABS-CBN ng mga charity events upang makatulong sa ating mga kababayan. Sa tuwing may sakuna, ang ABS-CBN ginagawa ang abot ng kanilang makakaya upang makatulong sa lahat ng nangangailangan.

“At ako mismo ang nakasaksi kung gaano kabuti ang hangarin ng ABS-CBN upang makatulong sa lahat ng mga Pilipino.

Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko kung mawawala ang ABS-CBN na naging malaking bahagi ng aking buhay,” pahayag pa ni Coco.

Sa huli ay nanawagan ang aktor na sana raw ay tulungan silang manalangin na maliwanagan ang isip ng mga taong nais ipasara ang istasyon.

“Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon na tumutulong ng malaki sa maraming buhay!” pagtatapos ni Coco. (Vinia Vivar)