Abante Tonite Interactive

Paano na ang mga Dumagat?

284

SULAT KAY EDITOR

Dear Abante Tonite,
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang pangangailangan ng bansa ng sapat na supply ng tubig. Ang nakakalungkot lamang ay tila ba ang pinang hahawakang solusyon ay ‘yung solusyong makaaapekto sa pamumuhay ng maraming katutubo.

Isa sa mga nakikitang solusyon ng gobyerno sa problema sa kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila ay ang pagtatayo ng Kaliwa Dam sa Quezon Province. Kung saan nakatira ang malaking porsyento ng mga katutubong Dumagat.

Sinasabing matagal na nga raw itong plano ng pamahalan at nangutang pa ng 10 bilyong dolyar mula sa ating “mabuting kaibigan” na itago na lamang natin sa pangalang CHINA. Kung gagawin nga ang dam, namemeligro naman ang mga nakatira sa ilalim dahil may aktibong fault line sa tatayuan. Isa sa mga paraan ay paalisin doon ang mga katutubo. “Para rin naman daw sa kanila”. Kahit na lantad na lantad na ang pansariling interes ay itinatago pa rin sa mapalabok na retorika ang katotohanang wala ng pagpapahalaga ang pamahalaan sa mga ninuno ng bayan at mga mamamayang higit na nangangailangan.

Ang turo ng aking mga magulang nung ako’y bata palamang na alam kong itinuro rin naman sa lahat ay kung kakailanganin mong gumawa ng isang bagay o mag desisyon, lagi mong iisipin ang kapakanan ng iba o sisiguraduhing wala kang masasaktan o matatapakan. Sumagi manlang nga kaya ito sa isipan ng mga namamahal sa ating bayan? Ito na nga lang ba ang solusyon o sadyang nais lamang nilang mangibabaw ang desisyong ito dahil mayroon itong malaking pakinabang para sa kanilang sariling interes. Na saan na ang pangakong bayan muna bago sarili? Bayan bakit di tayo mag isip-isip
Mariel ng Kalye Onse