Abante Tonite Interactive

Paano nakukuha at paano maiiwasan ang HIV, AIDS?

By
1,227

Isa sa mga kinatatakutan ngayong sakit ay ang HIV at AIDS.

Ang HIV o Human Immunodeficiency Virus ay isang uri ng sakit na sumisira sa immune system ng isang tao. Isa itong virus na mahirap gamutin.

Kapag hindi nakainom ng tamang gamot ang may taglay nito o napaba­yaan ng pasyente ang pagkontrol sa virus ay maaari itong mauwi sa AIDS.

Abante Hiring – IT dep

AIDS naman o Acquired Immune Deficiency Syndrome ang tawag sa sakit na sanhi ng HIV. Ang taong may HIV ay hindi nangangahulugang nagtataglay na rin ng AIDS. Bibilang muna nang maraming taon bago maging AIDS ang HIV status ng tao.

Kapag kinapitan na ng AIDS ang isang pas­yente at hindi nakakai­nom ng gamot o hindi nakontrol ang virus ay maaari itong mauwi sa kamatayan.

Sa ngayon ay wala pang nakukuhang mabisang panlunas sa HIV. Kapag ang isang tao ay nagkaroon na nito, ito ay habambuhay na sa iyong katawan. Ang ­magandang balita ay may mga nadiskubre nang gamot na pangon­trol o puwedeng ­makapigil sa ­pagdami ng virus sa ­katawan para hindi mauwi sa AIDS.

Ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng HIV ay ang mga sumusunod:

Nakikipag-sex kung kani-kanino.

Pakikipagtalik nang walang proteksyon.

Paggamit ng hiringgilya (o injection) na nagamit na ng ibang tao.

Napapasa mula sa gatas ng ina.

Aksidenteng pagsalin ng dugo ng taong may HIV.

Para makaiwas:

Huwag magbenta o magkaroon ng iba-ibang sexual partner.

Gumamit ng condom tuwing makikipagniig.

Makipagtalik lang sa isang ka-partner na tapat.

Huwag gumamit ng droga o bawal na gamot na tinuturok.

Iwasang masalinan ng dugo kung ‘di rin lang emergency o kinakailangan.

Huwag manghihiram o magpapahiram ng pang-ahit.

Iwasang mahawakan ang sugat o dugo ng ibang tao lalo na kung walang proteksyon.

139 patay sa AIDS-HIV

Sa unang apat na buwan pa lamang ng taon, nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 139 kaso ng namatay dahil sa AIDS at HIV.

Ayon sa kagawaran, noong buwan lang ng Abril ay 66 na ang kabuuang nasawi at ang mga ito ay pawang mga lalaki.

Sa inilabas nilang datos, mula noong ­Enero hanggang Abril ay nakapagtala ng 3,730 pa­nibagong kaso ng HIV. Sa naturang bilang, 3,553 sa mga ito ay pawang mga lalaki habang 177 naman ay babae.

Dagdag pa ng DOH, 32% ng mga bagong kaso ay mula sa Metro Manila, 17% sa Calabarzon at 10% sa Central Luzon, 9% sa Central Visayas at sinundan ng Region 11 kung saan naitala ang 7%.

Mula sa 15-34 anyos ang edad ng mga nasawi kung saan malaking porsiyento sa mga binawian ng buhay ay mga lalaki. Ito ay ­bunga na rin ng kanilang pakikipagtalik sa kapwa lalaki.