Abante Tonite Interactive

Paano naman kami?

170

Mas malaki na raw ang maiuuwing take home pay ng mga empleyado ng gobyerno ngayong naisabatas na ni Pangulong Rod­rigo Duterte ang Sa­lary Standardization Law-5.

Paliwanag ni Senador Sonny Angara na siyang nagdepensa ng SSL-5, ang pinakamalaking dagdag ay mararamdaman sa salary grades 11 hanggang 13 o professional level, kung saan tataas ito ng 24.% sa kanilang kompensasyon sa 2020 hanggang 30.7% sa 2023. Ang mga sub-professional level na manggagawa naman na may salary grade na 1 hanggang 10 ay madadagdagan ng 17.5% sa 2020 hanggang 20.5% sa 2023.

Mahigit sa P33.16 bilyon ang inilaan sa P4.1 trilyon General Appropriations Act of 2020 para mapondohan ang unang bahagi ng salary increase sa ilalim ng SSL-5. Ang total funding requirement ay aabot sa P130.45 bilyon.

Sa ilalim ng SSL-5, ang pinakamababang salary grade level employee na nakakatanggap ng P11,068 kada buwan ay magiging P11,551 sa 2020, P12,034 sa 2021 P12,517 sa 2022 at P13,000 sa 2023. Para sa salary grade 11 employees, kabilang ang entry-level na mga guro na nakakatanggap ng P20,754 kada buwan ay magiging P22,316 na ang suweldo sa 2020, P23,877 sa 2021, P25,439 sa 2022 at P27,000 sa 2023.

Hindi naman natutuwa dito ang party-list group ng mga guro. Sabi ng Alliance of Concerned Tea­chers (ACT), barya lang ang binigay na salary increase sa mga empleyado ng gobyerno kumpara sa nakukuha ngayon ng mga sundalo, pulis at ang pinakahuli ay ang mga nars. Ang mga empleyadong nasa salary grade 1 ay makakatanggap lang daw ng P16 kada araw na umento sa sahod.

Dahil sa pagtaas ng suweldo ng sundalo, pulis at nars, nagkaroon ng salary distortion sa iba pang nagtatrabaho sa gobyerno. Na-downgrade raw ang kondis­yon ng mga public school teacher na itinutu­ring pa man din na ikalawang ina o ama ng mga batang mag-aaral.

Kapag pinagbigyan ng gobyerno ang pagtaas ng suweldo ng mga guro, tiyak na magrereklamo ang iba pang empleyado ng gobyerno. Sasabihin nila, “Paano naman kami?”