Abante Tonite Interactive

Paano sulitin ang season sale?

By
14

Lumalamig na ang panahon, ngunit kasabay nito ang umiinit na mga palad ng marami sa atin dahil panahon na naman ng pagsa-shopping sa kaliwa’t kanang sale ng iba’t ibang malls. Pero bago sugurin ang mga department stores, narito ang apat na utos para masulit natin ang season sale at makapamili nang swak sa ating budget at kailangan.

Huwag kang masilaw sa discount. Bagama’t ito ang inaaba­ngan natin sa sale, huwag kang basta ‘papaloko’ sa mga produkto na akala mo ay mapapamura ka. Suriing mabuti ang produkto, ikumpara ang presyo nito sa ibang tindahan o brand.

Maglaan ng budget. Masarap mamili ng marami ngayon dahil sa diskwento at mga promo ng mga produkto kaya naman maaga pa lang ay dapat nakapag-ipon na at na-budget mo na ang mga bibilhin. Mahalaga na bigyan ng mas malaking budget ang mga priority na kailangang bilhin.

Bilhin lang kung ano ang kulang. Ano ang kulang sa mga damit mo? Gusto mo ba ng bagong sapatos? Kailangan na bang palitan ang ilang appliances sa bahay mo? Isipin mong mabuti kung ano ang mas kailangan at siguradong magagamit mo, baka ang labas niyan ay maging pampasikip lang sa bahay mo ang binili mong produkto.

I-check mo ang kalendaryo. May paggagamitan ka na ba ng bibilhin mo? Kailan kaya ang mga susunod na sale? Huwag basta susugod sa malls nang hindi alam kung kailan sila naka-sale, i-check mo rin kung halos lahat ba ng stores at boutique ay kasama sa sale.

Wala na ngang isang daang araw bago mag-Pasko, panahon kung kailan marami sa atin ang nakalista na ang mga pangregalo.

Ngunit tandaan na sa panahong ito rin natin dapat umpisahan ang pag-iimpok para sa susunod pang taon.