Abante Tonite Interactive

Pabor kay Lucio Tan: Sereno tinulugan ang kaso ng PNB

By ,
7,617

Tila tinutulugan umano ni Supreme Court (SC) Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang halos limang taon nang kaso na may kinalaman sa ‘land dispute’ na inihain ng isang abogado laban sa Philippine National Bank (PNB) na pagmamay-ari ni Lucio Tan.

Isiniwalat ni Atty. Manuelito Luna, abogado ni Atty. Eligio Mallari, ang nakabili ng lupa, at kasalukuyang presidente ng advocacy group na Vanguard of the Philippine Constitution, hiniling nila sa House Justice committee na idagdag sa deliberasyon ang mabagal na aksiyon ni Sereno sa kanyang kaso sa nabiling lupa na inaangkin ng PNB.

Ayon kay Luna, halos limang taon nang nakabinbin sa SC ang kanilang petisyon kaugnay sa lupang nabili ni Mallari sa San Fernando City, Pampanga na sinasabi ng PNB na pag-aari nila.

Giit ng abogado ni Mallari, tila tinulugan na ng SC ang kaso simula nang padalhan ng liham ng PNB si Sereno noong Pebrero 8, 2013, na humihiling na imbestigahan nito ang nasabing kaso na dinidinig sa San Fernando Regional Trial Court (RTC) sa Pampanga, na pumabor kina Mallari at sa asawa nitong si Marcelina.

Samantala, kinumpirma naman ng isang dating Supreme Court (SC) clerk of court na mababa ang nakuhang puntos ni Sereno sa psychiatric test nito.

Inilahad ni Atty. Enriqueta Vidal sa impeachment hearing ng Justice Committee noong Pebrero 7, na kuwatro lang ang iskor ni Sereno, muntik matumbok ang pinakamababang singko.

Sinabi ni Vidal na ang psycho test ay isang rekisitos na isinasagawa ng Judicial and Bar Council (JBC) nang mag-apply si Sereno sa posisyon bilang Chief Justice.

Inaasahan naman na sa susunod na pagdinig ng komite ay dadalo na ang dalawang psychiatrist na nagbigay ng bagsak na grado kay Sereno.